November 5, 2024

Container van ginawang isolation facility sa Parañaque

Pinangunahan nina National Task Force against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr. at Parañaque Mayor Edwin Olivarez ang pag-iinspeksyon ng 14 unit ng 40- feet container van na magagamit bilang COVID-19 facility sa loob ng Parañaque City College sa Barangay San Dionisio ngayong Biyernes ng hapon. (Kuha ni JHUNE MABANAG)

NA-CONVERT ng lokal na pamahalaang lungsod ng Parañaque ang 39 na container van na gagamitin bilang isolation facilities para sa coronavirus disease (COVID-19) patients at bubuksan bago matapos ang buwan.

Ayon kay Mayor Edwin Olivarez, ang prototype health facility ay magsisilbing temporary shelter para sa mga pasyente na posibleng tinamaan ng virus habang naghihintay ng processing at medical intervention mula sa City Health Office.

Ipinaliwanag ni Olivarez na ang bawat 40-footer shipping container van ay hahatiin sa apat na kwarto at idinisenyo sang-ayon sa guidelines at rekomendasyon ng Department of Health (DOH) kaya mayroong proper ventilation, kama, banyo, at lahat ng pangangailangan ng pasyente para sa isolation.

Maglalaan din aniya ang lokal na pamahalaan ng isang container van para sa medical frontliners sa bawat puwesto.

Una nang inatasan ng alkalde ang mga nangangasiwa sa health facilties na isailalim sa mandatory isolation ang lahat ng indibidwal na magpopositibo sa COVID-19.

Ang 14 container vans na may 56 isolation rooms ay matatagpuan sa bakanteng lote sa harap ng Parañaque City College sa Barangay San Dionisio na nakalaan para sa mild at asymptomatic cases.

Magsisilbi namang mobile hospitals para sa COVID-19 patients ang 25 na container vans na may 100 na isolation rooms sa harap ng Air Force One KTV Bar.