November 23, 2024

Jennylyn Mercado, tumindig laban sa rape culture sa bansa


MARAMING mga netizen sa social media ang nanindigan laban sa kultura ng panggagahasa sa bansa, kabilang na ang aktres na si Jennylyn Mercado.

Sa kanyang Facebook post noong Lunes, nalungkot si Mercado dahil nagiging pangkaraniwan na sa ibang tao na sisihin ang mga rape victim.

“Nakaugalian na ng ibang tao sisihin ang isang rape victim. Kasalanan daw nila dahil sa galaw o suot nila. Pasensya na po, but this thinking is backwards,” ani ng aktres.

Binigyan diin ni Mercado na mayroong nangyayaring panggagahasa dahil may mga rapist.

“Paano ninyo mairarason ang mga biktima na mga bata at matanda na hindi naman nakasuot ng sinsabing ‘sexy na pananamit’? Walang pamantayan ng pananamit ang rape at sexual harassment,” ani ni Mercado

“No. You don’t blame the victim for choosing to be ‘malandi’ in your eyes. For choosing to wear revealing outfits. For choosing to put herself in a dangerous position. For being at the wrong place and time (madilim na lugar at gabi),” dagdag pa niya.

“Blame the person who chose and chooses to rape her,” pagtatapos niya.