NAGLABAS ng babala ang Bureau of Corrections (BuCor) ukol sa dalawang pekeng recruitment websites na nagpapanggap bilang official online platform ng kawanihan.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., layunin ng babala na maiwasan ng mga aplikante na mabiktima ng scam at manakawan ng personal na impormasyon ng mga pekeng site na gumagaya sa e-recruitment system ng BuCor.
Binigyang-diin ni Catapang na dapat gawin ang lahat ng aplikasyon at transaksyon sa opisyal na website lamang ng ahensya na bucor.gov.ph o sa iba pang opisyal na linya ng komunikasyon ng BuCor.
Nabatid na dalawang pekeng website—ang e-bucor-rms.vercel.app at bucor-recruitment.online—ang nadiskubreng nagpapanggap na e-recruitment system ng kawanihan ngunit walang anumang kinalaman o pahintulot mula sa ahensya.
Batay sa isinagawang Open-Source Intelligence (OSINT) investigation, ang unang site na nakahost sa Vercel ay may kakayahang magparehistro, mag-log in, at mag-recover ng password ng aplikante, ngunit walang natukoy na totoong developer o organisasyon sa likod nito.
Samantala, ang pangalawang site na bucor-recruitment.online ay bagong rehistro lamang at nakatago ang pagkakakilanlan ng may-ari gamit ang privacy services.
Kinumpirma rin ng IT at Recruitment Departments ng BuCor na walang kaugnayan ang ahensya sa dalawang nabanggit na platform.
Nagpaalala rin si Catapang sa publiko na maging masuri at mag-ingat dahil sa dumaraming uri ng digital deception, kung saan ang mga pekeng recruitment site ay nagdudulot ng malaking peligro tulad ng theft of personal data, pangingikil ng pera, at pagpapakalat ng maling impormasyon.
