Binigyang-diin ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na kailangang sabayan ng pamumuhunan sa kasanayan ng manggagawa, data systems, at governance ang pagpapasok ng artificial intelligence (AI) at iba pang mga bagong teknolohiya upang tunay na maitaas ang lebel ng produksyon at ekonomiya sa bansa.
Ayon sa PIDS, hindi sapat ang mismong teknolohiya lamang upang magkaroon ng tuloy-tuloy na benepisyong pangkabuhayan kung walang matatag na mga institusyong may kakayahang mag-coordinate, magpatupad, mag-evaluate, at magpanatili ng mga digital na inisyatibo.
Isinulong ang paksang ito sa ginanap na kickoff press conference para sa ika-24 na Development Policy Research Month na may temang “Building Strong Institutions, Unlocking Human Capital Potential.”
Ipinaliwanag ng mga panelist na ang digital transformation ay hindi lamang pagbili ng mga bagong hardware, software, o platform. Depende pa rin ang tagumpay nito sa kakayahan ng mga ahensya ng pamahalaan, manggagawa, at mga negosyo na gamitin nang maayos at epektibo ang teknolohiya.
Lumabas din sa pag-aaral ng PIDS na pinamagatang “Reshaping Economic Institutions for Transformational Partnerships in Human Capital Development” na ang pangunahing hamon sa pag-unlad ng Pilipinas ay hindi ang kawalan ng reform o pondo, kundi ang mga balakid sa kung paano pinalalawig at ipinatutupad ang mga programa.
Tinukoy ng PIDS ang apat na pangunahing suliraning institusyonal sa bansa: ang hiwa-hiwalay na mga programa at mahinang koordinasyon, hindi pantay na kakayahan sa pagpapatupad, maikling pananaw sa patakaran at mahinang komitment ng pamahalaan, at ang mga pagkukulang sa institutional learning at insentibo.
Dahil sa mga kahinaang ito, nananatili ang mga limitasyon sa edukasyon, kalusugan, skills matching, at pangkalahatang productivity sa kabila ng tumataas na gastusin ng pamahalaan sa human capital.
Dahil dito, nanawagan ang state think tank na lumipat ang pamahalaan mula sa program-centered approach tungo sa institution-centered model na mag-uugnay sa edukasyon, kalusugan, workforce training, oportunidad sa trabaho, at inobasyon.
Magsasagawa ng serye ng talakayan ang mga policymaker, researcher, at stakeholders sa buong buwan ng Setyembre para sa Development Policy Research Month upang bumuo ng mga konkretong reporma.
