Ginisa ng mga senator-judge nitong Lunes, Agosto 24, ang dating Special Disbursing Officer (SDO) ng Office of the Vice President (OVP) na si Gina Acosta hinggil sa kawalan nito ng pormal na pagsusuri sa mga dokumento ng kontrobersyal na P125-milyong confidential funds noong 2022.
Sa ika-17 araw ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, inusisa ng mga senator-judge si Acosta kung nagkaroon ba ito ng “due diligence” bago nito inaprubahan ang liquidation ng mga resibo o acknowledgment receipts na isinumite ni Colonel Raymund Dante Lachica, ang dating security head ng OVP.
Paulit-ulit na idiniin ni Acosta sa korte na ang kanyang tungkulin ay maglabas lamang ng pondo, habang si Lachica ang mismong nagpatupad ng mga proyekto. Inamin din nitong nanalig lamang siya sa mga resibo at kasiguruhan ni Lachica kahit wala siyang personal na kaalaman sa mga transaksyon.
“Kasi siya po ang may alam. Siya po ang nag-implement. Siya po ang nag-implement sa mga projects sa confidential,” giit ni Acosta sa impeachment court.
Puna naman ng House prosecution panel, lumabas sa mga liquidation receipt ang mga hindi karaniwang pangalan tulad ng “Pagong,” “Pusa,” at “Ngitngit.” Pinansin din ng panel ang tila “templated” na mga sagot ni Acosta tuwing tinatanong ukol sa pagberipika ng mga pondong ginamit.
Dahil dito, tinanong ni Senator-judge Raffy Tulfo si Acosta kung bakit hindi man lang nito inusisang mabuti ang mga resibo sa kabila ng kaduda-dudang mga pangalan.
“Kasi siya po ang nag-implement sa mga confidential activities, Your Honor, on the grounds. Siya po ang inatasan na mag-implement… siya ang implementor po, Your Honor,” tugon ni Acosta.
Pumalag naman si Senator-judge Vicente “Tito” Sotto III sa paulit-ulit na katwiran ng saksi at sinabing: “Ayoko na marinig ang template.”
Nang tanungin naman ni Senator-judge Risa Hontiveros kung makatarungang siya ang magdusa sakaling mapatunayang may anomalya sa paggasta, sumagot si Acosta: “Alam ko po, Ma’am, na alam po ni Ma’am Vice President Sara Duterte ang ginagawa niya.”
Si Acosta ay iniharap ng prosecution bilang saksi para sa Article I ng Articles of Impeachment, na nag-aakusa kay Duterte ng umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds sa OVP at Department of Education (DepEd).
Samantala, kinumpirma ng impeachment court ang pagtanggap ng liham mula sa mga abogado ng dating DepEd SDO na si Edward Fajarda kung saan sinabing na-stroke ito sa utak kaya hindi makatestigo ngayong linggo.
Inatasan naman ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ang Senate Medical and Dental Bureau na suriin si Fajarda at makipag-ugnayan sa doktor nito bago pormal na payagang hindi sumipot sa pagdinig.
