Pinabulaanan ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang mga usap-usapang humingi umano ito ng private meeting kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at tinawag itong isang certified “fake news.”
Sa ginanap na press conference matapos ang ika-17 araw ng impeachment trial laban sa Bise Presidente, iginiit ng defense spokesperson na si Atty. Michael Poa na walang katotohanan ang mga kumakalat na balita sa social media hinggil sa naturang pagpupulong.
“I had a chance to talk to the Vice President … [at] talagang fake news siya,” pahayag ni Poa.
Ikinumpara rin nito ang tsismis sa mga naunang lumabas na maling ulat na binato umano siya o ang sinuman sa kanilang defense team ng laptop ilang buwan na ang nakalilipas.
Nang tanungin kung mayroon bang opisyal na hakbang o pagtatangka ang kampo ng Bise Presidente para makipagkita sa Pangulo, direktang sinagot ni Poa na wala siyang nalalamang anumang hakbang ukol dito.
Muling pinaalalahanan ng tagapagsalita ang publiko na maging mas mapagmatyag sa mga nababasa sa online platforms at huwag agad maniniwala sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon.
