Nasawi ang apat na katao kabilang ang isang 3-anyos na bata, matapos matrap sa loob ng kanilang nasusunog na bahay sa Tengco Street, Barangay 106 at 107, Pasay City noong Biyernes, Agosto 21, 2026.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), pumutok na LPG tank ang pinagmulan ng apoy na mabilis na lumiyab bandang 1:00 ng hapon dahil gawa sa light materials ang mga bahay sa lugar.
Nakapanlulumong natagpuan ng mga bumbero ang paslit na mahigpit na yakap pa ng isa sa mga biktima matapos ideklarang fire out ang ikalawang alarmang sunog bandang 4:00 ng hapon.
Tinatayang nasa 30 pamilya ang naapektuhan habang apat na residente ang ginamot dahil sa mga natamong paso at sugat.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad ukol sa kabuuang halaga ng napinsalang ari-arian at eksaktong bilang ng mga nasirang bahay sa nasabing insidente.
