Nabigla si Senator Risa Hontiveros matapos isiwalat ng PNP Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa pagdinig sa Senado ngayong Huwebes, Agosto 20, 2026, na umabot na sa 42 minors—kung saan 30 dito ay edad 15 pababa—ang nailigtas mula sa 74 kaso ng Nihilistic Violent Extremism (NVE) o kulto ng karahasan sa internet.
Pinalagan ni Sen. Risa Hontiveros ang pagliban ng Meta sa Senado at ang 14 minutong pananatili ng livestream ng Zamboanga shooting sa Facebook.
Iginiit niyang dapat pabilisin ng Meta ang pagbura sa mga marahas na post sa halip na iasa sa CICC.
Ipinaliwanag naman ng CICC na malaking balakid sa imbestigasyon ang kakulangan sa jurisdiction sa mga dayuhang tech platforms at ang mabagal na paglalabas ng cyber warrants.
Dahil dito, nanawagan si Hontiveros sa Korte Suprema na pabilisin ang mga proseso at nangako na itutulak ang pagpasa sa Child Online Safety and Protection Act upang patawan ng mabigat na parusa ang mga nag-uudyok ng karahasan sa mga kabataan online.
