Inihayag ng Manila Electric Company (Meralco) ngayong Martes, Agosto 18, 2026, na naibalik na ang supply ng kuryente sa halos lahat ng kanilang kustomer na naapektuhan ng malawakang brownout dulot ng pananalasa at pagbaha ng Habagat sa kanilang franchise area.
Batay sa ulat ng Meralco nitong 9:00 AM, bumaba na sa huling 2,000 na lamang ang natitirang kustomer na walang kuryente mula sa dating 10,000 noong nakaraang araw.
Iginiit ni Meralco VP at Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga na karamihan sa mga natitirang apektado ay nasa mga binahang lugar sa Cavite at Quezon, at hindi titigil ang kanilang field crews hangga’t hindi naibabalik ang serbisyo sa huling bahay.
Kasabay nito, naglunsad din ng relief operation ang One Meralco Foundation (OMF) kung saan nakapagbigay na ito ng tulong sa higit 1,400 pamilya sa Bulacan at Cavite.
Nagpaalala naman ang kumpanya sa publiko na tiyaking tuyo at nasuri ng lisensyadong electrician ang mga nabasang main breaker at appliance bago ito muling buksan upang maiwasan ang aksidente.
