Pinasinungalingan ng Malacañang noong Lunes, Agosto 17, 2026, ang pahayag ni Caloocan Rep. Edgar Erice na pinagbantaan umano siya ni Public Works Secretary Vince Dizon na mawawalan ng pondo o magkakaroon ng zero allocation dahil sa kaniyang pambabatikos sa pamahalaan.
Sa isang press briefing, inihayag ni Palace Press Officer Claire Castro na mismong si Dizon ang nag-deny sa pambibintang matapos linawin na kailanman ay hindi sila nagkausap ng mambabatas tungkol sa naturang usapin.
Binigyang-diin ni Castro na hindi natatakot ang kasalukuyang administrasyon sa anumang kritisismo o pambabatikos mula sa publiko at mga mambabatas.
Gayunpaman, pinalagan ng Palasyo ang dahilan ni Erice na inuulit lamang nito ang sentimyento ng taumbayan ukol sa mga umano’y anomalya sa flood-control projects, sabay giit na hindi dapat nagiging “parrot” o nag-uulit ng mga sabi-sabi ang isang opisyal ng gobyerno nang walang hawak na malinaw na patunay.
Dahil dito, pormal na hinamon ng Malacañang si Erice na maglabas ng matitibay na ebidensya upang patunayan ang kaniyang mga ibinabato ukol sa umano’y korapsyon at proteksyong pulitikal.
Nilinaw ng Palasyo na ang mga aksyon ng gobyerno ay nakatuntong sa legal na proseso at ebidensya, at hindi sa anumang uri ng ganting-pulitika.
