Mga Kawani ng NHCP Museo ni Jose Rizal na nag-alay ng bulaklak sa puntod ni Doña Teodora Alonso
PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
PAYAK ang Pag-aalay para kay Doña Teodora, Walang Kupas na Pagkilala.
Walang banda, walang parada. Subalit ramdam ang pag-ibig. Isang payak ngunit pusong-puso na pag-aalay ng bulaklak ang isinagawa ng NHCP – Museo ni Jose Rizal Calamba sa puntod ni Doña Teodora Alonso noong 16 Agosto 2026 Linggo ng umaga.
Si Doña Teodora Alonso ang butihing ina. Ang unang guro. Ang unang inspirasyon ng ating Pambansang Bayani.
Sa likod ng bawat nobelang sumiklab. Sa likod ng bawat tulang umantig. Sa likod ng talino at kabayanihan ni Jose Rizal, may isang ina. Si Doña Teodora ang nagtanim kay Rizal ng pag-ibig sa pag-aaral. Dahil sa kaniya, tumimo sa puso ng binata ang malasakit sa kapuwa. Kaya pinili niyang mag-aral ng medisina. Kaya naging dalubhasa siya paggamot ng sakit sa mata. Pag-ibig sa anak na nagsimula sa pagmamahal ng isang ina.
Noong 16 Agosto 1911 Miyerkoles, sa edad na 84 ay pumanaw si Doña Teodora sa Binondo. Inilibing sa Cementerio del Norte, Maynila. Noong 04 Enero 1997 Sabado, pagkaraan ng 86 taon, sa wakas ay nagsama-sama muli ang pamilya. Inilipat ang mga labi nina Doña Teodora at Don Francisco sa bakuran ng Dambansang Jose Rizal sa Calamba – sa lupang sinilangan ng kanilang anak.
Ngayon sa simpleng pag-aalay ng bulaklak ay hindi lang isang ina ang ating ginugunita.
Ginugunita natin ang pinagmulan ng liwanag na tumanglaw sa buong bayan.
Dahil minsan, ang pinakadakilang bayani … nagsimula rin sa yakap ng isang ina.
