Pormal nang binawi ng kumpanyang Norway Green Energy ang panukala nitong pagtatayo ng $50-megawatt hyperscale AI data center sa bayan ng Oton, Iloilo, dalawang araw matapos mag-walkout at magmura sa mga mamamahayag ang executive nitong si Daniel Stefan Robertsen. `
Isiniwalat ni Oton Vice Mayor Jose Neil Olivares ngayong Lunes, Agosto 17, 2026, ang pormal na notice of withdrawal na ipinadala ni Robertsen kasunod ng natanggap nitong matinding pambabatikos mula sa publiko.
Nag-ugat ang giyera sa ginanap na public consultation noong Agosto 14 kung saan napikon si Robertsen sa mga tanong at alalahanin ng mga lokal na residente ukol sa proyekto.
Sa gitna ng tensyon, sinigawan ni Robertsen ang mga mamamahayag ng mga salitang “If you don’t have a brain, just f*ck… Go away!” bago tuluyang lumayas—bagay na itinuring ng marami na pambabastos at kawalan ng respeto sa mga Pilipino.
Bukod sa iskandalo sa public consultation, pinalagan din ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang kontrobersyal na proyekto dahil ang itinuturong pasilidad sa Barangay Abilay Sur ay isang agricultural area at walang anumang opisyal na aplikasyon para sa land conversion.
Dahil sa mga pangyayari, tuluyan nang inabandona ng dayuhang kumpanya ang naturang pamumuhunan sa lalawigan.
