Inihayag ng Department of Budget and Management (DBM) noong Lunes, Agosto 17, 2026, na nakakasa na ang pag-aaral para sa panibagong round ng dagdag-sahod sa mga empleyado ng gobyerno habang pinaghahandaan ang pagpapatupad ng ikaapat at huling tranche ng Salary Standardization Law (SSL) VI sa 2027.
Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Appropriations, iginiit ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na kulang ang kasalukuyang taas-sahod sa gitna ng tumitinding krisis at mahal na bilihin.
Sumagot si DBM Secretary Kim Robert de Leon na magpapakomisyon ang ahensya ng compensation study ngayong taon na matatapos sa kalagitnaan ng 2027 upang maging batayan ng susunod na sahod sa ilalim ng panukalang 2028 National Budget.
Bukod sa batayang sahod, isiniwalat din ni De Leon na pinag-aaralan na ng DBM ang pagtataas sa P2,000 monthly Personnel Economic Relief Allowance (PERA) ng mga kawani ng pamahalaan.
Target ng ahensya na magsumite ng opisyal na rekomendasyon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bago matapos ang 2026 upang maipatupad ang adjustment sa PERA sa ilalim ng 2027 Miscellaneous Personnel Benefits Fund.
