Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Biyernes, Agosto 14, 2026, na wala siyang ideya kung kailan pormal na isasampa ng Office of the Ombudsman ang mga kaso laban sa kaniyang pinsan na si Leyte Rep. at dating Speaker Martin Romualdez kaugnay ng flood control projects scam.
Sa kaniyang pagdalo sa luncheon ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP), iginiit ng Pangulo na ang usapin ay ganap nang nasa kamay ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla.
Binigyang-diin ni Marcos na hindi siya nakikialam o nakikipagsabwatan sa anumang iskedyul ng imbestigasyon ng Ombudsman.
Gayunpaman, sinabi ng Pangulo na balak niyang tawagan si Remulla upang magtanong ng mga pinakahuling update ukol sa gulong ito matapos rin niyang pormal na ipahayag sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) ang pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot na opisyal at kontraktor.
Samantala, pinalagan ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro ang mga hirit ng ilang mambabatas na umano’y hindi kayang ipakulong ng Pangulo ang kaniyang sariling pinsan.
Iginiit ng Palasyo na walang sasantuhin ang pamahalaan at papaiiralin ang hustisya at pananagutan sa kaban ng bayan.
