PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
WIKA natin, Lakas natin!
Ngayong Agosto 2026 ay ipinagdiriwang ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang ika-35 anibersaryo nito. 35 taon nang lagdaan ni Pangulong Corazon C. Aquino (1933-2009, nanilbihan 1986-92) ang Batas Republika Blg. 7104 noong 14 Agosto 1991 Miyerkoles – ang batas na nagbigay-buhay sa KWF.
Ang KWF ang pangunahing ahensiya ng pamahalaan na may iisang misyon: pananaliksikin, linangin, palaganapin, at paunlarin ang wikang Filipino at iba pang wika sa bansa. Binubuo ang KWF ng labing-isang (11) komisyoner na kumakatawan sa mga pangunahing wika at larangan sa pag-aaral sa Pilipinas. Pinangungunahan ito ng isang Punong Komisyoner at may sekretaryat na nasa ilalim ng Direktor Heneral. Katuwang din ito ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at Sining (NCCA, itinatag 1992).
Hindi nagsimula sa KWF ang kuwento ng wikang pambansa. Nagsimula ito sa Konstitusyong 1935 na nangarap ng isang wikang sariling atin. Noong 1936 ay itinatag ang Surian ng Wikang Pambansa (SWP) at ipinahayag ang Tagalog bilang batayan. Noong 1959 ay naging “Pilipino” ang tawag. Noong 1973 at 1987 ay opisyal na naging “Filipino”. At noong 1991 matapos ang pagreporma ay naging Komisyon sa Wikang Filipino mula sa dating SWP (1936-97) at Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP, 1987-91).
Layunin ng KWF na pandayin ang Filipino bilang wika ng pambansang pag-unlad at pagkakaisa. Tungkulin din ng KWF ang alagaan at payabungin ang mga katutubo at rehiyonal na wika. Sapagkat naniniwala ang KWF na ang tunay na yaman ng Pilipinas ay nasa pagkakaiba-iba ng ating wika.
Si Atty. Marites A. Barrios-Taran ang kasalukuyan, ikalabing-apat (14), at ikalawang (2) babaeng naging tagapangulo ng komisyon. Ang mga naunang naging tagapangulo ay sina Jayme C. De Veyra, 1937-41; Lope K. Santos, 1941-46; Julian Cruz Balmaceda, 1946-48; Cirio H. Panganiban, 1948-54; Cecilio Lopez, 1954-55; Jose Villa Panganiban, 1955-70; Ponciano B.P. Pineda, 1970-99; Ernesto B. Aban, 1999; Nita P. Buenaobra, 1999-2006; Ricardo Ma. D. Nolasco, 2006-08; Jose Laderas Santos, 2008-13; Virgilio S. Almario, 2013-20; at Arthur P. Casanova, 2020-25.
Sa loob ng 35 taon ay patuloy ang KWF sa pagbuo ng mga patakaran, programa, at pananaliksik upang gawing wika ng komunikasyon at edukasyon ang Filipino sa buong bansa.
KWF@35: Isang wika. Maraming tinig. Isang bansang nagkakaisa.
