Pinuri ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang nasa 144 Persons Deprived of Liberty (PDLs) na matagumpay na nakatapos ng kanilang mga kurso sa ilalim ng Development Professional Growth Program, isang kolaborasyon sa pagitan ng BuCor at ng University of the Philippines Open University (UPOU).
Ginanap ang culmination ceremony sa Medium Security Compound ng BuCor Headquarters sa Lungsod ng Muntinlupa kung saan binigyang-diin ni Catapang na ang tagumpay ng mga PDL ay higit pa sa simpleng sertipiko dahil simbolo ito ng pag-asa at personal na pag-unlad.
Mula sa mga nagtapos, 44 learners ang nagmula sa ikalawang offering ng programa, habang ang natitirang bilang ay mula naman sa ikatlong offering.
Kabilang sa mga kursong natapos ng mga PDL ang Programming with Scratch, Practical Applications of Permaculture Design Ethics and Principles, Bridge English for Functional Literacy at Business Concepts, Ideation, and the Business Plan.
Ayon kay Catapang, layunin ng mga kursong ito na magkaloob ng mga praktikal na kasanayan at kaalaman na magagamit ng mga PDL sakaling makalabas na sila sa bilangguan.
Inihayag ng pinuno ng BuCor na ang tunay na mandato ng kawanihan ay hindi lamang ang pagpapanatili ng seguridad kundi ang paghubog at paghahanda sa mga residente para sa kanilang muling pagbabalik sa lipunan bilang mga produktibong mamamayan.
“A person may be deprived of liberty, but he or she should never be deprived of the opportunity to learn, develop skills, discover potential, and hope for a better tomorrow,” pahayag ni Catapang.
Nagpasalamat din siya sa UPOU at University of the Philippines Alumni Association (UPAA) sa ilalim ng kanilang Tripartite Memorandum of Agreement na naglalayong ipaabot ang kalidad ng edukasyon sa mga marginalized learners.
Hinimok naman ni Catapang ang mga nagtapos na patuloy na magbago, gamitin sa mabuti ang natutunan, at huwag hayaang ang kanilang nakaraan ang maging hadlang sa kanilang hinaharap.
