Inaasahang mababawasan nang mahigit 45 porsyento ang problema sa pagbaha sa bayan ng Cainta kapag natapos ang itatayong Drainage Interceptor Project sa kahabaan ng Marcos Highway na inaasahan sisimulan ngayong taon.
Ayon kay Cainta Mayor Kit Nieto, ang naturang proyekto ng pambansang pamahalaan at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang magsisilbing “bagong highway para sa tubig-baha” upang hindi na ito umapaw sa mga creek at kabahayan sa loob ng mga subdivision.
“Instead na dumaan ang tubig sa makikitid na creek sa looban, ididiretso na ito sa drainage interceptor na nasa mismong highway papunta sa Marikina River. Para siyang expressway ng tubig—hindi na makikisikip sa looban,” paliwanag ng alkalde.
Paliwanag ni Nieto, dahil nakapwesto ang Cainta sa isang lambak (valley), napipilitan itong saluhin ang mga tubig-baha mula sa mga matataas na lugar tulad ng Antipolo, Marikina, at Sumulong Highway na dumadaloy sa Balanti at Halang Creek.
Dahil dito, madalas bahain ang mga subdivision tulad ng Filinvest, Vista Verde, Green Park, Karangalan, Country Homes, Village East, Gruar at Kasibulan.
Batay sa ulat na natanggap ng alkalde, naipagkaloob (bidded out) na ang proyekto at tatagal ng dalawang taon ang konstruksyon para sa Phase 1 at Phase 2 nito sa pangangasiwa ni MMDA Chairman Don Artes.
Habang hinihintay ang pagtatapos ng interceptor project, binigyang-diin ni Nieto na nakatulong nang malaki sa kasalukuyan ang sabay-sabay na pagpapagana ng limang (5) booster pumps sa iba’t ibang bahagi ng bayan.
Inihalintulad ng alkalde ang mga booster pump sa isang “walkalator” sa paliparan dahil pinapabilis nito ang pagbomba at pagpapadaloy ng tubig patungo sa mga outfall sa bilis na 1.5 hanggang 2 cubic meters kada segundo.
“Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ginamit natin nang sabay-sabay ang limang pumps. Nagsasaluhan ito na parang serye ng train station para mabilis na maibuga ang tubig at hindi mag-stagnant,” dagdag pa ng alkalde.
