
Muling pinagtibay ng Manila Electric Company (Meralco) at ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang partnership upang labanan ang lumalalang pagnanakaw ng kuryente pati na rin ang pagnanakaw at pagsira sa mga pasilidad at kable ng distribution network ng kuryente.
Nagharap sa isang pagpupulong sina Meralco Senior Vice President at Head of Networks Froilan J. Savet kasama ang matataas na opisyal ng Meralco at PNP upang ilatag ang mas mabilis na aksyon laban sa ilegal na koneksyon (pilferage) at pagtatangay ng mga electric meter at linya ng kuryente.
Kasama rin sa napagkasunduan ang pagbibigay ng technical training sa mga engineer at electrician ng PNP upang mas maging epektibo ang pag-imbestiga sa mga pagnanakaw.
Ayon sa Meralco, mahalaga ang pakikipagtulungan sa pambansang kapulisan upang mabawasan ang non-technical system loss at maprotektahan ang kaligtasan ng publiko.
Pinasalamatan din ng PNP ang Meralco sa patuloy na pag-alalay sa pagpapanatili ng maayos at ligtas na pasilidad ng kuryente sa loob ng mga kampo ng pulisya sa buong bansa.
