Kalaboso ang isang 40-anyos na freelancer matapos ang nangyaring citizen’s arrest sa Pasay City kasunod ng umano’y pagpapatakbo ng cryptocurrency swindling scheme na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P3.7 milyon.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Glenn,” residente ng Makati City.
Batay sa ulat, nag-ugat ang kaso sa isang transaksyon noong Hulyo 22, 2026 sa Roxas Boulevard kung saan naglipat ang biktima ng 60,000 USDT (Tether)—na may katumbas na humigit-kumulang P3,700,000—sa ibinigay na digital wallet address ng suspek.
Matapos matanggap ang transfer, agad na nagsinungaling ang suspek at itinangging natanggap niya ang pondo, kasabay ng pangingatuwiran na “peke” ang nasabing cryptocurrency.
Subalit, sa pamamagitan ng peer-to-peer (P2P) records, wallet customer support, at blockchain transaction tracking, naitalang matagumpay na pumasok ang pondo at agad ding inilipat ng suspek sa iba pang digital wallet.
BASAHIN: Lalaking armado ng 2 baril, arestado ng pulisya sa Malabon City
Lalong nabuko ang modus noong gabi ng Hulyo 28, 2026, nang makipagkita muli si alyas “Glenn” sa biktima upang humingi pa ng karagdagang P200,000 bilang “wallet top-up” umano para mailabas ang unang pondo.
Dito na napagtanto ng biktima na tuloy-tuloy ang panggagantso ng suspek, kaya’t agad niya itong isinailalim sa citizen’s arrest sa mismong lugar ng kanilang pagkikita at dinala sa Sub-Station 1 (CCP Complex) ng Pasay City Police Station dakong 11:35 PM.
Matapos ipabatid sa suspek ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng Miranda Doctrine, pormal siyang itinurn-over sa Investigation and Detective Management Section (IDMS) para sa imbestigasyon at paghahanda ng inquest proceedings sa kasong Estafa (Swindling) sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code sa Pasay City Prosecutor’s Office.
Pinuri naman ni Southern Police District (SPD) Director PBGen. Glenn Oliver C. Cinco ang mabilis na pag-iisip ng biktima at ang aksyon ng Pasay City Police Station, habang muli nitong pinaalalahanan ang publiko na mag-ingat at maging mapagmatyag sa mga high-value digital asset transactions.
