Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. (File Photo)
Umabot sa record-high na higit 2.75 milyong metric tons (MMT) ang pumasok na imported na bigas sa Pilipinas sa unang anim na buwan ng taon, ang pinakamataas na naitalang volume sa first half ng taon mula nang simulan ang liberalisasyon sa ilalim ng Rice Tariffication Law (RTL) noong 2019.
Ayon sa datos ng Bureau of Plant Industry (BPI) mula Enero hanggang Hunyo, lumundag ng 20.1 porsyento ang rice arrivals kumpara sa 2.29 MMT sa kaparehong panahon noong 2025.
Paliwanag ni Department of Agriculture (DA) Spokesman Assistant Secretary Arnel de Mesa, ito ay “natural na tugon” ng merkado dahil sa sunod-sunod na dagok sa lokal na sektor ng agrikultura, kabilang ang pinsala sa Upper Pampanga River Irrigation System (UPRIS) na nakaapekto sa 30,000 ektarya ng palayan, ang banta ng El Niño, at ang pagtaas ng presyo ng abono at petrolyo bunsod ng sigalot sa pagitan ng United States at Iran.
Upang maprotektahan ang mga lokal na magsasaka sa nakaambang pagbulusok ng farmgate price ng palay ngayong paparating na ang wet harvest season, nakipagkasundo si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa mga rice stakeholders.
Hiniling ng DA chief sa mga importers na kusang itigil muna ang pagpapasok ng 5-percent broken rice ngayong buwan, dahil ito ang direktang nakikipagkompetensya sa lokal na ani.
“We will talk with rice stakeholders as much as we can. If the new RICE Act comes out, I won’t allow the entry of 5-percent broken rice, but for now we’ll settle with talking them through it,” ani Sec. Laurel, habang hinihintay ang pagpasa ng Kongreso sa mga amiyenda sa RTL.
BASAHIN: DepEd, DA pinalakas Milk Feeding Program sa mga paaralan
Bukod dito, magiging “proactive” ang DA sa pamamagitan ng pagtataas sa buying price ng National Food Authority (NFA) para masalo ang ani ng mga magsasaka.
Samantala, inaprubahan ng National Price Coordinating Council (NPCC) ang rekomendasyon ng DA na palawigin pa ng dalawang buwan ang P50 bawat kilo na price ceiling sa imported rice na nagtapos noong Hunyo 13.
Ito ay matapos makita sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nakatulong ang price cap upang mapababa ang inflation rate ng bansa patungong 6.4 porsyento nitong Hunyo mula sa 6.8 porsyento noong Mayo. Ang rice inflation naman ay bumaba sa 15 porsyento mula sa dating 15.6 porsyento.
Ipinasa na ng NPCC ang resolusyon sa Office of the President para sa pinal na pagsusuri at pag-apruba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“The latest inflation numbers show that keeping food affordable delivers real benefits to Filipino families… We must continue ensuring adequate supply, efficient distribution, and reasonable prices,” pagtatapos ni Sec. Laurel.
