Sinalubong ng kagalakan ng House Prosecution Panel ang pormal na pagbubukas ng impeachment trial laban kay Bise Presidente Sara Duterte ngayong Lunes, Hulyo 6, kung saan binigyang-diin na patunay ito na gumugulong ang proseso ng accountability na itinakda ng Saligang Batas.
Sa isang press conference matapos ang unang araw ng paglilitis, ipinaabot ni House Lead Prosecutor at Batangas Representative Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ang kanyang papuri sa Senate Impeachment Court sa pagtugon nito sa mandato ng Konstitusyon.
“Ito ay tagumpay para sa mamamayang Pilipino dahil nangyayari ang accountability mechanism at sinusunod ang Konstitusyon,” pahayag ni Luistro.
Aniya, matagumpay na nailatag ng magkabilang panig ang kanilang mga opening statement at natalakay ang mga isyung itinaas noong pre-trial conference.
“At bukas, sa wakas, sisimulan na natin ang presentasyon ng mga ebidensya,” dagdag ng mambabatas.
BASAHIN: 16 boto ang kailangan para ma-convict si VP Sara – Escudero
Inaprubahan din ng impeachment court ang iminungkahing pagkakasunod-sunod ng prosekusyon sa paglalahad ng mga Articles of Impeachment.
Sa ilalim ng kanilang plano, unang isasalang ng panel ang mga ebidensya para sa Article IV, na tumutukoy sa mga alegasyon ng pagbabanta ni Duterte laban sa buhay nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ipinaliwanag naman ni Robert Ace Barbers, tagapagsalita at adviser ng prosecution panel, na ang unang araw ay hindi dapat tingnan bilang panalo o talo para sa kanila, kundi bilang pormal na simula ng isang legal na proseso.
Aniya, ang mahalaga ay pormal nang nagbukas ang pagdinig sa kabila ng mga haka-hakang mapipigilan ito.
“Ang nangyari ngayong araw na ito, nakita naman natin na nag-umpisa ang trial. Napakaraming sinabi bago nagsimula ang trial dahil maraming kwento na hindi raw ito matutuloy,” ani Barbers.
Nilinaw din ni Barbers ang kautusan ng korte na ibalik muna sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang selyadong kahon ng mga dokumento ng buwis, at sinabing hindi nito nababawasan ang halaga ng ebidensya.
“Sa tamang panahon, ibabalik po ito, i-o-offer po ulit ito ng ating prosekusyon, at inaasahan nating tatanggapin ito ng korte bilang ebidensya.”
Samantala, nagpahayag din ng suporta ang dalawang malalaking grupo ng manggagawa sa pagsisimula ng paglilitis sa Senado.
Ayon kay Nice Coronacion, Deputy Secretary General ng Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa, ang proseso ay hindi pa paghatol ng kasalanan kundi pagpapatunay na walang sinuman ang mas mataas sa batas.
“Ang parehong pamantayan ng patas na pagtrato at pananagot na inaasahan sa mga karaniwang manggagawa ay dapat ding ipatupad sa mga humahawak ng pinakamataas na posisyon sa gobyerno,” ani Coronacion.
Nanawagan naman si Rene Magtubo, National Chairperson ng Partido Manggagawa at tagapagsalita ng NAGKAISA!, sa mga senador na lumaban nang higit sa pansariling interes sa pulitika at gampanan ang kanilang tungkulin bilang mga patas na miyembro ng korte.
Gaya ng paninindigan ng pamunuan ng Senado sa ilalim ni Senate President Chiz Escudero na susunod sa literal na interpretasyon ng “two-thirds rule” (16 na boto para sa conviction), tiniyak ng prosekusyon at mga labor groups na patuloy nilang babantayan ang integridad ng paglilitis sa mga susunod na araw. (RON MAKISIG)
