PANALANGIN BAGO ANG IMPEACHMENT. Nakiisa sa isang banal na misa ang mga miyembro ng House Prosecution Panel at private prosecutors na pinangunahan ni Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro sa Chapel of the Nativity, Immaculate Conception Cathedral sa Quezon City ngayong Huwebes, Hulyo 2, 2026. (Kuha ni ART TORRES)
Apat na araw bago ang pormal na pag-uumpisa ng makasaysayang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, naglunsad ng isang banal na pagtitipon ang mga miyembro ng House Prosecution Panel upang manawagan sa publiko na ipagdasal ang haharapin nilang laban sa Senado.
Sa isang banal na misa na idinaos sa Immaculate Conception Cathedral sa Quezon City nitong Huwebes, Hulyo 2, hayagang nakiusap si Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro sa mamamayan na samahan sila sa panalangin upang makamit ang conviction o mapatunayang nagkasala ang Bise Presidente.
“Samahan ninyo kami sa pananalangin para sa conviction ng respondent sa impeachment trial na ito,” pahayag ni Luistro sa harap ng mga dumalo.
Bukod kay Luistro, dumalo rin sa misa ang iba pang mambabatas na kabilang sa 11-member prosecution panel gaya nina Rep. Joel Chua, Rep. Leila de Lima, Rep. Lorenz Defensor, Rep. Ysabel Zamora, at Rep. Kaka Bag-ao. Nakiisa rin ang mga kilalang private prosecutors na sina Atty. Lorna Kapunan at Atty. Marforth Pua.
Inamin ni Luistro na hindi madali ang gawaing nakaatang sa kanilang balikat, kaya naman kailangan nila ang patnubay at lakas na nanggagaling sa panalangin ng bayan dahil mayroon din silang mga “limitasyon” at “kakulangan.”
BASAHIN: ‘Mary Grace Piattos’ sapat na para mapatunayan ang anomalya sa confidential funds ni VP Sara — Chua
“Ang inyong mga dasal at suporta ang nangingibabaw sa lahat. Sa huli, ang pagmamahal ng bawat isa sa bansang Pilipinas ang magpupuno sa kung anuman ang limitasyon ng mga prosekyutor,” dagdag ng mambabatas.
Gayunpaman, nilinaw ni Luistro na hindi lamang para sa panig ng prosekusyon ang kanilang hiling, kundi maging para sa defense team ni VP Duterte at sa mga Hukom-Senador na lilitis sa kaso. Aniya, ang impeachment ay isang legal na proseso upang matiyak na makakamit ng mga Pilipino ang mas mabubuting pinuno at mas maayos na republika.
Ang misa ay pinangunahan at inorganisa ng Clergy for Good Governance (CGG) sa pamumuno nina Fr. Robert Reyes, Fr. Flavie Villanueva, Fr. Bong Sarabia, at Fr. Joel Saballa.
Sa homilya ni Fr. Melchor David, binigyang-diin niya ang bigat ng tungkulin ng mga prosekyutor sa mata ng kasaysayan at ng buong bansa.
“Ang pagkakataong gumawa ng mabuti ay nasa paligid natin. Hindi ito simpleng pagpipilian lang, ito ay ating responsibilidad. Aking mga minamahal na prosekyutor, ang buong sambayanang Pilipino ay nakatingin sa inyo,” paalala ni Fr. David.
Itinakda ang pormal na pagbubukas ng impeachment trial sa darating na Lunes, Hulyo 6, matapos ilabas ng Impeachment Court ang pre-trial order noong Hunyo 29.
Batay sa dokumento, mayroong kabuuang 92 trial dates na inilaan para sa magkabilang panig upang ilatag ang kanilang mga argumento at ebidensya, bagaman maaari pa itong magbago depende sa magiging pormal na kahilingan ng prosekusyon o depensa.
