Photo: PNA
Kumpiyansa ang House prosecution panel na ang kontrobersyal at misteryosong pangalan na “Mary Grace Piattos” ay sapat na upang mabuksan at mapatunayan ang mga umano’y iregularidad sa paggamit ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang panayam nitong Linggo, Hunyo 28, inihayag ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na plano ng panel na magprisinta lamang ng mga piling testigo na direktang magpapatunay sa maling paggasta ng pondo, sa halip na ipatawag ang libo-libong indibidwal.
“Sa ngayon po si Mary Grace Piattos dahil siya ang pinaka-prominente doon sa lahat ng mga nakatanggap ng confidential fund,” pahayag ni Chua.
Ipinaliwanag ng mambabatas na aabot sa 4,000 ang mga pangalang nakatala sa mga acknowledgment receipt (AR) na isinumite ng Office of the Vice President (OVP). Dahil dito, hindi praktikal na ipatawag ang lahat ng ito sa pagdinig.
“Hindi naman kailangan lahat kasi kung makikita ninyo, 4,000 ang nakatanggap ng acknowledgment receipt. Hindi mo naman pwedeng ipatawag ang 4,000. Tapos na po ang termino ng susunod na administrasyon, hindi pa po tayo tapos ‘pag lahat ’yan ipatatawag namin,” dagdag ni Chua.
Naging maugong ang pangalang “Mary Grace Piattos” noong 2024 sa gitna ng pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability.
BASAHIN: ‘Unfair’ kung papayagang bumoto ang mga absent na senator sa Sara impeachment – solon
Ang naturang pangalan ay nakasulat sa isa sa mga resibong isinumite ng kampo ni Duterte sa Commission on Audit (COA) bilang patunay ng paggastos ng confidential funds.
Gayunman, nagduda ang mga mambabatas matapos kumpirmahin ng Philippine Statistics Authority (PSA) na wala silang opisyal na rekord ng sinumang mamamayan na may ganoong pangalan. Ito ang nagpatibay sa hinala ng Kamara na posibleng gawa-gawa lamang ang mga pirma o “ghost recipients” ang mga nakatala upang maibulsa ang pondo ng pamahalaan.
Binigyang-diin ni Chua na ang layunin ng panel ay maglatag lamang ng malinaw na punto na makatutulong sa magkabilang panig—maging sa pag-usig o sa depensa.
Katatapos lamang ng pre-trial conference para sa impeachment case ni VP Duterte nitong nakaraang Huwebes, bilang paghahanda sa pormal na pagsisimula ng trial sa darating na Hulyo 6.
