File Photo
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan matapos itong kusang sumuko sa mga awtoridad hapon nitong Lunes, June 1.
Ito ay kasunod pa rin ng inilabas na warrant of arrest ng Sandiganbayan Fifth Division laban sa kanya at kay Senator Jinggoy Estrada kaugnay ng pumuputok na pondo ng flood control scandal.
Ayon sa ulat, personal na nagtungo at humarap ang dating kalihim sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa loob ng Camp Crame sa Lungsod Quezon.
BASAHIN: JINGGOY SUMUKO SA CIDG
Matatandaan na bago ang pagsukong ito, nauna nang naglagak ng piyansa si Bonoan sa Sandiganbayan Second Division noong nakaraang Biyernes para sa kanyang pansamantalang kalayaan para sa hiwalay na kasong graft na nakasampa laban sa kanya.
Ngunit dahil sa bagong warrant na inilabas nitong Lunes hapon, napilitan ang dating opisyal na muling iharap ang sarili sa batas para sa kaukulang proseso ng kanyang kaso.
