Nagpahayag nitong Biyernes si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na asahan na ang mga susunod na appointment sa kanyang Gabinete, partikular na mula sa hanay ng mga kandidatong “inalat” o natalo noong nakaraang halalan.
Ayon kay PBBM, opisyal nang tapos ang one-year appointment ban para sa mga kumandidato noong huling eleksyon kaya pwede na silang bigyan ng pwesto sa gobyerno.
Diretsahang sinabi ng Pangulo sa publiko na huwag nang magulat kung sa mga susunod na araw ay magsulputan ang mga pamilyar na pangalan na bibigyan niya ng pwesto.
Panghihinayang ang dahilan ng Pangulo, dahil para sa kanya, isang malaking sayang kung hindi niya gagamitin ang galing ng mga karapat-dapat na dating kandidato na nais makatulong sa bayan.
BASAHIN: PBBM, MAINIT NA TINANGGAP ANG $10-B ENERGY RESILIENCE INITIATIVE NG JAPAN
Giit pa ni Marcos, kailangan ng bansa ang pinakamahuhusay na talento kaya natural na hakbang lang ang pagkuha sa kanila.
Ang bagong pahayag na ito ay kasunod lang ng naganap na balasahan sa Gabinete nitong nakaraang linggo, kung saan opisyal na itinalaga si dating Senator Francis Tolentino bilang bagong kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE) kapalit ni Bienvenido Laguesma.
Samantala, tinuldukan na rin sa wakas ni Pangulong Marcos ang mga kumakalat na tsismis at espekulasyon tungkol sa kapalaran ni Interior Secretary Jonvic Remulla sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon sa Pangulo, walang katotohanan ang mga kumakalat na tsismis na sisibakin o papalitan si Sec. Remulla, kaya mananatili itong matatag sa kanyang pwesto.
