Walang kinalaman sa naging botohan sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ang naganap na balasahan sa liderato ng mga komite sa Mababang Kapulungan ng Kongreso noong nakaraang linggo.
Ito ang nilinaw ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong nitong Linggo, sa gitna ng mga espekulasyon na sinibak sa puwesto ang ilang mambabatas dahil sa pagkontra o pagboto laban sa impeachment ng Bise Presidente.
Ayon kay Adiong, na tumatayong tagapagsalita rin ng impeachment prosecution panel, regular na nangyayari ang pagpapalit ng pamunuan sa mga komite at nagkataon lamang na sumabay ito sa kontrobersyal na isyu.
“Naging isyu lamang ito dahil sa impeachment, kaya marami ang sumusubok na iugnay ang mga pagbabago sa committee chairmanships sa naging resulta ng botohan,” pahayag ni Adiong.
BASAHIN: DEKALIDAD NA EDUKASYON SA LOCAL UNIVERSITIES AT COLLEGES ISINUSULONG NI GATCHALIAN
Nitong nakaraang linggo, inaprubahan ng House floor ang mosyon na tanggalin sina Southern Leyte Rep. Roger Mercado at Agusan del Norte Rep. Dale Corvera bilang mga vice chairpersons ng makapangyarihang House Appropriations Committee.
Si Mercado, na pinuno rin ng Population and Family Relations Committee, ay pinalitan ni Northern Samar Rep. Edwin Ongchuan.
Bukod sa kanila, tinanggal din si Laguna Rep. Ramil Hernandez bilang pinuno ng House Special Committee on Southern Tagalog Development, at pinalitan ni Laguna Rep. Loreto Amante.
Ipinaliwanag ni Adiong na ang liderato sa mga komite sa Kamara ay nakadepende sa alokasyon ng bawat partido pampolitika. Ang bawat bloke ang may kapangyarihang pumili kung sino ang uupo sa 82 komite ng Mababang Kapulungan.
“Ito ay desisyon ng partido dahil sila ang pumipili sa kanilang mga miyembro na itatalaga sa bawat komite,” dagdag pa niya.
Ayon sa isang hindi nagpakilalang impormante, lumipat na umano sina Mercado at Hernandez sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP)—ang partido ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Kinumpirma naman ni Deputy Speaker Albee Benitez, na miyembro rin ng PFP, ang paglipat ng dalawa. Sa rekord naman ng Comelec noong 2025 elections, sina Hernandez at Corvera ay nakarehistro sa ilalim ng Lakas-CMD, habang si Mercado ay sa Nationalist People’s Coalition (NPC).
Una nang inihayag ni Adiong, na tagapagsalita rin ng Lakas-CMD, na 95 porsyento ng kanilang partido ang boboto pabor sa impeachment.
Noong Mayo 11, nagkaisa ang Kamara sa botong 257-25-9 na iakyat sa Senado ang apat na Articles of Impeachment laban kay Duterte matapos makitaan ng sapat na basehan ang mga sumusunod na akusasyon:
- Sistematikong Pag-abuso sa Confidential Funds: Maanomalyang paggamit ng P500 milyong pondo sa ilalim ng Office of the Vice President (OVP) at P112.5 milyon sa Department of Education (DepEd).
- Unexplained Wealth: Hindi pagdedeklara ng mga tunay na ari-arian sa kanyang SALN para sa mga taong 2022, 2023, at 2024 na hindi tugma sa kanyang opisyal na kita.
- Panunuhod at Korapsyon: Pagbibigay umano ng perang regalo sa mga opisyal ng DepEd upang lumaon sa mga batas sa procurement o pagbili ng kagamitan.
- Banta sa Seguridad at Sedisyon: Seryosong banta sa buhay ng Pangulo, Unang Ginang, at dating House Speaker, pati na rin ang hayagang panghihikayat ng sedisyon laban sa pamahalaan.
