Isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang isang panukalang batas na mag-aangat sa kalidad ng edukasyon at magpapatatag sa pamamahala ng mga Local Universities and Colleges (LUCs).
Batay sa datos ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), tumaas ang enrollment sa mga LUC sa 493,000 mula 343,000 noong 2021 hanggang 2023, katumbas ng 44%. Dahil dito, binigyang diin ni Gatchalian na ang LUC ang sektor na pinakamabilis lumaki sa hanay ng higher education institutions (HEIs).
Gayunman, binigyang-diin niya ang pangangailangang matiyak na natutugunan ng mga LUC ang mga pamantayan ng Commission on Higher Education (CHED). Habang 101 LUCs ang may institutional recognition mula sa CHED, 59 naman dito ang hindi pa binibigyan, bagay na aniya’y nagpapakita ng mga isyu sa kalidad ng edukasyon.
BASAHIN: CAYETANO PATATALSIKIN, GATCHALIAN ITINUTULAK MAGING SENATE PRESIDENT
Dagdag pa ni Gatchalian, kung walang institutional accreditation, hindi maaaring makinabang ang mga LUC sa libreng kolehiyo sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act No. 10931).
Upang tugunan ang mga hamong ito, inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 623 o ang Local Universities and Colleges Governance Act, kung saan isinusulong ang pagkakaroon ng framework para sa pagtatayo ng mga LUC at matiyak na sumusunod ang mga ito sa mga pamantayan ng CHED.
“Hihikayatin natin ang pagtatayo ng mga LUC, pero sisiguraduhin natin na simula pa lang, dekalidad na sila,” ani Gatchalian.
