Kinumpirma ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na mayroon nagaganap na pagkilos sa Senado upang palitan ang kasalukuyang pamumuno ni Senate President Alan Peter Cayetano.
Nangyayari ang tensyong ito sa gitna ng pormal na pagtitipon ng Senado bilang isang impeachment court para sa nalalapit na paglilitis kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Lacson sa panayam ng Super Radyo dzBB, layon ng hakbang na iupo si Senator Sherwin Gatchalian bilang bagong Senate President upang bigyan ang Mataas na Kapulungan ng isang “fresh start.”
“Sana kung magpalit ng liderato, maibangon namin. Magkaroon kami ng fresh start. Kaya ang napili namin si Sen. Sherwin Gatchalian,” ani Lacson.
“At least fresh face, wala siyang kaaway sa magkabilang panig. Solido kaming 11 rito na itulak na siya ang maging Senate president.”
Inihayag ni Lacson, na kabilang sa minority bloc na naghahangad na mabawing muli ang liderato matapos itong mabitawan noong Mayo 11, na nabuo ang puwersa matapos muling lumitaw at bumoto pabor sa balasahan si Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
BASAHIN: MALAYSIAN NATIONAL PATAY, 20 NAWAWALA SA GUMUHONG 9-STORY BUILDING SA ANGELES CITY
Ang bagong alyansa ay binubuo ng 11 senador kabilang sina Vicente “Tito” Sotto III, Migz Zubiri, Risa Hontiveros, Bam Aquino, Francis “Kiko” Pangilinan, Lito Lapid, Raffy Tulfo, Erwin Tulfo, JV Ejercito, Bato dela Rosa at Ping Lacson.
“Hindi kami papayag na hindi si Sen. Sherwin Gatchalian ang mahirang na Senate president. Kasi sa tingin namin, siya ‘yung fresh face na pwedeng magsalba sa Senado,” giit pa ni Lacson.
Tumanggi naman si Lacson na kumpirmahin kung may iba pang senador na kinakausap para sumama sa kanilang grupo dahil sa pagiging “sensitibo” ng usapin, habang tinawag na isang ‘continuing crime’ ang paghahangad na mapalitan ang liderato.
Malaki ang magiging papel ng Senate President dahil siya ang tatayong presiding officer sa paglilitis kay Bise Presidente Sara Duterte. Ayon kay Lacson, handa at preparado si Gatchalian para sa gawaing ito base na rin sa mga nakaraang pamumuno nito sa mga komite.
Nilinaw naman nina Lacson at Senador Tito Sotto na walang kinalaman ang planong rigodon sa pagsusulong ng isang constituent assembly o para impluwensyahan ang magiging hatol sa impeachment.
Gayunpaman, inamin ni Lacson na tiyak na maaantala ang mga trabahong pambatas sa Senado kapag natuloy ang palitan. “Kasi every time magpalit ng liderato sa Senado, necessarily, magpalit ang chairpersons ng mga komite, so mag-i-start na naman from zero,” paliwanag niya.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, ang tagapagsalita ng House trial, na hindi maaapektuhan ng anumang rigodon sa Senado ang mga ebidensyang ilalatag ng House prosecution panel laban kay VP Duterte.
“Ito ay internal na dynamics ng Senado. Mayroon tayong tinatawag na institutional respect and courtesy sa ating coequal branch,” ani Adiong.
Matatandaang na-impeach ng Kamara si VP Duterte sa mga akusasyong culpable violation of the Constitution, graft and corruption, betrayal of public trust, bribery, at iba pang mataas na krimen sa botong 257-25-9.
Nag-convene na ang Senado bilang impeachment court noong Mayo 19, at mayroon na lamang hanggang Hunyo 1 si Duterte para sagutin ang writ of summons, habang inaasahan namang magsisimula ang mismong paglilitis sa Hulyo 6.
