Isa ang kumpirmadong patay habang tinatayang 20 katao pa ang nawawala matapos gumuho ang isang siyam na palapag na gusali na itinatayo sa Barangay Balibago, Angeles City, Pampanga.
Kinilala ng mga awtoridad ang nasawi na isang 65-anyos na Malaysian national na pansamantalang nanunuluyan sa katabing hotel.
Bahagyang nadaganan ng gumuhong gusali ang nasabing hotel na naging dahilan ng pagkaipit ng biktima.
Ayon kay Acting Philippine Fire Chief Rico Kwan Tiu, nagawa pa umanong makatawag sa telepono ng biktima sa mga rescuer habang ito ay naipit sa ilalim ng gumuhong pader ng hotel matapos ang insidente bandang alas-3:00 ng madaling-araw.
“Sa kasamaang-palad, nang makuha natin siya kanina lang, wala na siyang buhay,” pahayag ni Kwan Tiu sa panayam ng AFP.
Gayunpaman, tiniyak ng opisyal na magpapatuloy ang kanilang operasyon dahil naniniwala silang may mga nakaligtas pa sa ilalim ng guho.
“Ipagpapatuloy namin ang rescue… May mga tao pang buhay. Sigurado ako.”
Sa pinakahuling ulat, umabot na sa 26 na tao ang matagumpay na naisalba mula sa guho.
Ayon kay Maria Leah Sajili, tagapagsalita ng Bureau of Fire Protection (BFP) Regional Office, nakarinig ang mga unang sumakolong bumbero ng mga iyak at daing mula sa ilalim ng mga gumuhong semento at bakal.
Sinabi naman ni Angeles City Mayor Carmelo Lazatin na karamihan sa mga biktima ay mahimbing na natutulog nang mangyari ang sakuna dahil sa alanganing oras ng madaling-araw.
BASAHIN: LIHIM NA RELASYON BANTANG IBUBUNYAG, ESTUDYANTE IPINADAKIP NG BANK EMPLOYEE
Sa mga video na ipinost ng BFP sa kanilang Facebook page, makikita ang marubdob na pagsisikap ng mga bumbero na gumagamit ng mga power tools upang sagipin ang isang lalaking naka-asul na pilit na pinapaklma ng mga rescuer habang ito ay umiiyak sa sakit sa ilalim ng mga nagbagsakang scaffolding at plywood.
Idinagdag naman ni MMDA General Manager Nicolas Torre na nagpadala na sila ng mga K-9 search dogs at mga makabagong kagamitan tulad ng life monitors, listening devices, at rescue spreaders upang matukoy ang lokasyon ng mga biktima na naipit sa pagguho.
“Malalaking tipak ng semento ito, at kailangan natin ng mga mabibigat na kagamitan para maiangat ang mga ito. ‘Yung ang malaking hamon sa rescue ngayon,” ani City Information Officer Jay Pelayo.
Kuwento ng 30-anyos na delivery rider na si James Bernardo, katatapos lang niyang maghatid ng pagkain sa naturang kalye nang biglang makarinig ng napakalakas na kalabog.
“Ilang segundo lang, biglang may malakas na tunog, at paglingon ko, gumuho na pala ang gusali,” ani Bernardo. “Salamat sa Diyos at ligtas ako. Akala talaga namin lindol, ‘yun pala gusali na ang bumagsak.”
Sa kasalukuyan, patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang mismong sanhi ng pagguho ng naturang siyam na palapag na gusali.
