Bagsak sa kalaboso ang isang 26-anyos na babaeng kolehiyala matapos ikasa ng mga operatiba ng Pasig City Police Station ang isang matagumpay na entrapment operation kaugnay ng kasong Robbery Extortion.
Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang pag-aresto madaling-araw ng Sabado, Mayo 23, 2026, sa loob ng isang tanyag na coffee shop sa kahabaan ng Opal Road at Topaz Road, Ortigas Centre, Barangay San Antonio sa lungsod na ito.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Jessica,” residente ng Novaliches, Quezon City, habang ang nagreklamong biktima naman ay si alyas “Wilfred,” 36-anyos, empleyado ng bangko.
Batay sa opisyal na ulat, dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang malambat ng mga tauhan ng Pasig City Police Station ang suspek sa loob ng nasabing coffee shop habang tinatanggap ang pera mula sa biktima.
Bago ito, personal na nagtungo si Wilfred sa Ortigas Police Sub-Station upang isumbong ang patuloy na pangingikil sa kaniya ni Jessica simula pa noong Marso 9 ng taong ito.
BASAHIN: NBI IBINUNYAG NA MAY MGA SUSUNOD PANG MAKATATANGGAP NG ICC ARREST WARRANT
Isiniwalat ng biktima na umabot na sa humigit-kumulang P600,000 ang kabuuang perang kaniyang naibigay sa suspek dahil sa matinding pagbabanta nito na ibubunyag sa kaniyang pamilya at kumpanya ang kanilang naging lihim na relasyon noong Disyembre 2024 hanggang Enero 2025.
Napuno na umano ang biktima nang muli itong pilitin at hilingan ng suspek noong gabi ng Mayo 22 ng halagang P6,000 para naman sa umano’y enrollment expenses nito, dahilan upang tuluyan na siyang humingi ng tulong sa mga awtoridad.
Agad namang inendorso ng Ortigas Police Sub-Station ang insidente sa City Investigation Section at Follow-Up Section na mabilis na nag-organisa ng operasyon.
Sa tulong ng biktima, matagumpay na narekober mula sa pag-iingat ng suspek ang marked money na binubuo ng isang tunay na P1,000 bill na hinaluan ng limang piraso ng boodle money.
Matapos posasan, pormal na ipinaalam kay Jessica ang kaniyang mga karapatang naaayon sa Saligang Batas na nakarekord sa isang alternative recording device, bago dinala sa Rizal Medical Center para sa mandatoryong pagsusuri at X-ray.
Samantala, pormal nang inihahanda ang patung-patong na kasong kriminal laban sa suspek.
