Tahasang pinabulaanan at binatikos ng Malacañang nitong Linggo ang mga alegasyon ni Senator Imee Marcos hinggil sa diumano’y pananakot at suhulan sa mga mambabatas upang paboran ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na dapat ay may kalakip na ebidensya ang bawat akusasyon upang ito ay maging kapani-paniwala. Pinuna rin ng opisyal ang tila nakagawiang pagpapakalat ng mga “unfounded claims” ng ilang matataas na opisyal.
“Mas may credibility kung sa bawat paghuhusga, may kasama ng ebidensya. Nasasanay na po ang mga ilang nakakataas na opisyal natin na sa haka-haka na lamang bumabase,” ani Castro sa mga Palace reporters.
Hindi rin nakaligtas sa banat ni Castro ang dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, “Mabilis pa lang makahawa ang gawain ni FPRRD sa paggawa ng intriga at pagplanta ng ebidensya. Huwag tularan!”
Matatandaang sa isang Facebook reel nitong Sabado, ibinunyag ni Sen. Imee na may nagaganap na “pananakot” gamit ang Ombudsman, Department of Justice (DOJ), at NBI laban sa mga mambabatas na hindi boboto para sa impeachment ni VP Sara.
Bukod sa banta ng kaso, ibinida rin ng senadora ang umano’y “incentive package” para sa mga kongresista na boboto pabor sa impeachment, na kinabibilangan ng P5 milyon na cash; P3 milyong karagdagang MOOE kada buwan; at P150 milyong halaga ng mga proyekto.
Babala pa ng senadora, ang mga tututol ay posibleng makaranas ng “zero budget” at pag-ulan ng mga kasong legal.
Mariing itinanggi nina House Justice Committee Chairperson Gerville Luistro at Tingog Partylist Rep. Jude Acidre ang mga paratang na ito. Hinamon ni Acidre ang kapatid ng Pangulo na maglabas ng matibay na pruweba sa halip na puro salita lamang.
Nang hingan naman ng reaksyon ng media hinggil sa mga pagtanggi at banat ng Palasyo, maikli lamang ang naging sagot ni Sen. Imee: “Dedma.”
