Nagtipon-tipon ang mga miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa harap ng Camp Aguinaldo ngayong Biyernes, Mayo 8, 2026, upang kundenahin ang pagtatapos ng taunang Balikatan exercises sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sa gitna ng kilos-protesta, mariing binatikos ng grupo ang pagsasanay militar na anila ay ginagamit lamang ng Amerika ang bansa bilang “training at staging ground” para sa pagpapamalas ng kanilang pwersang militar at agresyon sa rehiyon.
Binigyang-diin ng mga raliyista na ang mga aktibidad gaya ng pagpapakawala ng Tomahawk missiles, paggamit ng mga live-fire weapons, at ang instalasyon ng mga missile sa Batanes ay naglalagay sa panganib sa mga lokal na komunidad.
Ayon sa Bayan, ang mga hakbang na ito ay malinaw na pag-atake sa soberanya ng Pilipinas at nagdadala ng banta sa seguridad ng bansa.
Kasabay ng pormal na pagtatapos ng Balikatan ngayong araw, nanawagan ang grupo sa pamahalaan na itigil na ang mga katulad na aktibidad na naglalatag ng panganib sa mamamayan at nagsusulong lamang ng interes ng dayuhang kapangyarihan sa loob ng teritoryo ng Pilipinas.
