Patuloy ngayon ang pagtugis ng mga awtoridad sa dalawang hindi pa nakikilalang lalaki matapos looban ang isang drugstore sa Barrio Road, Brgy. Tayuman, Binangonan, Rizal nitong gabi ng April 28, 2026.
Base sa imbestigasyon ng Binangonan Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente bandang alas-10:30 ng gabi sa Gareza Drugstore.
Nadiskubre lamang ang panloloob kinabukasan, April 29, bandang alas-6:00 ng umaga, nang pumasok sa trabaho ang kahera na kinilalang si “Carizza”.
Ayon sa ulat, sinira ng mga suspek ang bubong ng establisyimento upang makapasok sa loob.
Sa kuha ng CCTV footage, nakitang dumating ang dalawang suspek lulan ng isang motorsiklo. Ang isa ay naiwan sa motor habang ang isa ay lumapit sa botika.
Tumakas ang mga ito bandang alas-12:15 ng madaling araw patungo sa direksyon ng Manila East Road sa Brgy. Darangan.
Isang saksi ang nakakita sa isang lalaking naka-itim na jacket na natutulog sa tabi ng botika bago ang insidente.
Kabilang sa mga tinangay ng kawatan ang cash nagkakalaga ng P12,972 at mga gamot at sabon na nagkakahalaga ng P6,967.
Agad na nag-ulat sa pulisya ang may-ari ng botika na kinilalang si alias “Minerva” matapos malaman ang insidente.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa na ang mga Investigators On Case (IOC) ng back-tracking sa mga CCTV footage at nakikipag-ugnayan na rin sa mga karatig na istasyon ng pulisya upang malaman kung may katulad na modus operandi sa ibang lugar.
