Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan sa mga kalsada, inatasan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang lahat ng regional offices nito na ipagpatuloy ang mahigpit na inspeksyon sa mga public utility vehicles (PUVs) ngayong pagtatapos ng bakasyon sa Semana Santa.
Sa ilalim ng gabay ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, binigyang-diin ni LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II na prayoridad nila ang road worthiness ng mga sasakyan, partikular na ang mga bus, dahil inaasahan ang pagbabalik ng milyun-milyong Pilipino sa Metro Manila at iba pang urban areas simula ngayong gabi ng Sabado.
Ayon kay Mendoza, bahagi ito ng road safety measures at obligasyon ng mga bus companies at operators na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga yunit bago bumiyahe.
Hindi lamang ang mga sasakyan ang isinasailalim sa pagsusuri kundi pati na rin ang pisikal at mental na kahandaan ng mga driver.
Nakikipagtulungan ang LTFRB sa iba pang law enforcement agencies, kabilang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagsagawa na ng mga surprise drug test sa mga terminal.
Suportado ni Mendoza ang hakbang na ito lalo na’t may ilang driver ang nag-positibo sa ipinagbabawal na gamot sa mga nakalipas na pagsusuri.
Bukod sa mga pampublikong sasakyan, hinimok din ni Chairperson Mendoza ang mga pribadong motorista na suriing mabuti ang kanilang mga sasakyan para sa mahabang biyahe.
Paalala niya, obligasyon ng bawat isa na tiyaking ligtas hindi lamang ang sasakyan kundi pati ang nagmamaneho dahil mga mahal sa buhay ang lulan nito.
Ang pangunahing layunin aniya ay matiyak na ang lahat ay makararating sa kanilang mga destinasyon nang ligtas.
Samantala, inaatasan ang lahat ng LTFRB regional offices na magsumite ng compliance reports hinggil sa mga isinagawang inspeksyon at iba pang road safety measures na ipinatupad sa buong panahon ng Holy Week break upang masiguro ang kaayusan ng operasyon sa bansa.
