Boluntaryong bumaba sa kaniyang pwesto si Philippine National Police–Highway Patrol Group (PNP-HPG) Acting Director Jessie Tamayao matapos sampahan ng reklamo hinggil sa umano’y sexual harassment.
Ayon sa National Police Commission (Napolcom), ang reklamo ay nagmula sa isang babaeng pulis.
Sa testimonya ng biktima, diumano’y inanyayahan siya ni Tamayao na makipagtalik at tinakot na itatapon sa Mindanao kapag tumanggi ito.
Bukod sa banta ng reassignment, iginiit din ng biktima na binalaan siya ng opisyal na huwag magsusumbong.
Gagamitin umano ni Tamayao ang mga larawang kinuha mula sa telepono ng biktima laban sa kaniya kung magrereklamo ito.
Mariing itinatanggi ni Tamayao ang lahat ng paratang. Sa isang pahayag, iginiit niya ang kaniyang pagiging inosente at sinabing posibleng bunga lamang ito ng isang “personal vendetta” laban sa kaniya.
“Mariin kong itinatanggi ang mga akusasyon. Mahihinuha ko lamang na ito ay isang personal vendetta,” ani Tamayao.
Binigyang-diin din ng opisyal na nagbitiw siya upang matiyak ang isang patas at walang kinikilingang imbestigasyon.
Nilinaw din niya na ang kaniyang pagbaba sa pwesto ay hindi nangangahulugan ng pag-amin sa kasalanan.
Ipinapaalala niya rin ang kaniyang tatlong dekada sa serbisyo na walang anumang bahid ng administratibo o kriminal na reklamo bago ang insidenteng ito.
Sa ngayon, nakahanda ang opisyal na harapin ang proseso sa mga legal na channel at kumpiyansang lalabas din ang katotohanan.
