Mariing tinuligsa ni Caloocan Reo. Egay Erice ang kasalukuyang anyo ng House Bill 8389, na layon sanang limitahan ang pananatili ng mga political dynasties sa bansa.
Sa pagtatapos ng kanyang interpellation, hindi nagpa-tumpik-tumpik ang mambabatas sa pagpuna sa nilalaman ng panukalang batas. Ayon sa kanya, sa halip na buwagin ang mga makapangyarihang pamilya sa politika, tila lalo pa nitong itatali ang kanilang kontrol sa kapangyarihan.
Diretsahang sinabi ni Cong. Egay na ang House Bill 8389 ay kabaligtaran ng orihinal na layunin nito.
Binigyang-diin niya na ang mga probisyon sa ilalim ng kasalukuyang bersyon ay pabor pa sa mga pamilyang matagal nang nasa pwesto.
“Hindi po ito Anti-Political Dynasty Law—ito po ay mag-iinstitutionalize ng political dynasties,” pahayag ng mambabatas sa harap ng kapulungan.
Ginamit din ni Cong. Egay ang terminong “budol” upang ilarawan ang panukala, na nagpapahiwatig na ang publiko ay nililinlang sa tunay na epekto ng batas kung sakaling maipasa ito sa kasalukuyang anyo.
Ayon sa kongresista, ang batas ay hindi naglalatag ng tunay na hadlang para sa mga magkakamag-anak na tumatakbo sa parehong eleksyon.
Sa halip na reporma, maaari itong magsilbing proteksyon o “legal na basbas” para lalong lumakas ang mga dinastiya sa Pilipinas.
Ang pahayag na ito ay muling nagbukas ng mainit na debate sa loob ng Kongreso tungkol sa kung paano ba talaga dapat ipatupad ang probisyon ng Saligang Batas laban sa mga political dynasties na ilang dekada nang nakabinbin.
