Tahasang tinawag ng Malacañang na irrelevant o walang kinalaman sa kasalukuyang prayoridad ng bansa ang maagang pagdedeklara ni Bise Presidente Sara Duterte ng kanyang planong pagtakbo sa pagkapangulo para sa 2028 elections.
Sa isang press briefing, binigyang-diin ni Undersecretary Claire Castro na ang pagtuon sa usaping pulitika at pagkakampihan ay hindi napapanahon dahil ang tunay na pokus ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ngayon ay ang pagbangon ng ekonomiya, paglikha ng trabaho, at pagresolba sa mga problema sa baha sa halip na ang susunod na halalan.
Mariing pinabulaanan din ng Palasyo ang kumakalat na naratibo mula sa kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na diumano’y kinidnap ang dating lider, kung saan sinabi ni Usec. Castro na layon lamang nito na sirain ang imahe ng administrasyon.
Ipinaalala ng opisyal ang naging pahayag mismo ni dating Pangulong Duterte noong Marso 2025 kung saan sinabi nitong handa siyang magpaaresto kung maglalabas ng warrant ang International Criminal Court o ICC.
May nakatakda ring hearing sa ICC sa darating na Pebrero 23, at bagaman hindi ito personal na babantayan ng Pangulo, nananatiling updated ang gobyerno dahil mga Pilipino ang sangkot sa naturang kaso.
Sa gitna ng sunod-sunod na taas sa presyo ng langis, nilinaw ng Malacañang na premature o maaga pa para sa LTFRB na magpatupad ng dagdag-pamasahe sa mga jeepney dahil sapat pa ang isang pisong provisional increase upang matustusan ang fuel costs ng mga drayber, bagaman binubuksan ang diskusyon para sa posibleng fare hike sa mga bus.
Kaugnay ng mga infrastructure projects, inutusan ng Pangulo ang DPWH na paspasan ang trabaho sa mga proyekto gaya ng rehabilitasyon ng EDSA Phase 1 at pagtatayo ng mga tulay sa Isabela at Mindoro upang agad na maramdaman ng publiko ang ginhawa ng mga pampublikong proyekto.
Kasabay nito, iniulat din ang tagumpay ng Bureau of Customs sa pagsabat ng kabuuang apatnapu’t isang milyong halaga ng smuggled na sigarilyo at ilegal na droga sa magkakahiwalay na operasyon sa Cagayan de Oro at NAIA.
Bilang paghahanda sa mga makabagong banta, pinatitibay na rin ng Pilipinas ang cyber defense partnership nito sa mga bansang Canada at Japan upang mas mapalakas ang kakayahan ng bansa na labanan ang lumalalang banta ng ransomware at misinformation. Ang lahat ng hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng administrasyon na iangat ang kapakanan ng bawat pamilyang Pilipino sa ilalim ng Bagong Pilipinas.
