Nagbabala si dating Senate President Franklin Drilon na maaaring hindi na matuloy ang paglilitis sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sakaling magkaroon ng rigodon o balasahan sa liderato ng Senado.
Sa gitna ng paglulunsad ng kanyang autobiography na “Being Frank: A Memoir” nitong Lunes, binigyang-diin ni Drilon na ang anumang paggalaw sa pwesto ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ay malaki ang kinalaman sa “positioning” para sa 2028 presidential elections.
Ayon kay Drilon, nakasalalay sa pananatili ni Sotto ang kapalaran ng impeachment complaint na inaasahang ipapasa ng Kamara.
“I will say this openly: if Senate President Sotto is replaced by the majority, you will not see a trial on the impeachment of Vice President Duterte,” pahayag ni Drilon sa mga reporter.
Aniya, malinaw ang tindig ni Sotto na uusad ang proseso: “But if Senator Sotto remains, he has already said publicly that he will proceed with the trial the moment the complaint reaches the Senate.”
Hindi rin pinalampas ng beteranong mambabatas ang pagpuna sa tunay na motibo sa likod ng mga reklamong impeachment laban kay Duterte, at maging ang mga banta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Para kay Drilon, ang mga ito ay hindi lamang legal na usapin kundi mga “political signals” na nagsisilbing pambungad o prelude para sa susunod na pambansang halalan.
Bagama’t duda sa motibo ng mga reklamo, pinaalalahanan ni Drilon ang mga kasalukuyang senador na maging gabay ang ebidensya at ang kapakanan ng taumbayan kung sakaling matuloy ang paglilitis.
“Public interest should be supreme, not political considerations,” dagdag pa niya.
Sa kasalukuyan, nananatiling matatag ang liderato ni Sotto sa Senado sa kabila ng mga bali-balitang may mga grupong nais siyang palitan upang kontrolin ang magiging daloy ng impeachment sa mataas na kapulungan.
