SWAK sa hoyo ang isang lalaki matapos salakayin ng pulisya ang kanyang bahay sa bisa ng isang search warrant dahil sa pag-iingat ng hindi lisensyadong baril sa Caloocan City.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth na nakatanggap sila ng impormasyon na nag-iingat umano ng hindi lisensyadong baril si alyas “Boy”.
Bitbit ang search warrant na inilabas ng Korte, sinalakay ng mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 5 ang bahay ng suspek sa Barangay 132 bago hinalughog.
Nakumpiska ng mga pulis sa loob ng bahay ng suspek ang isang kalibre .9mm pistol na kargado ng bala.
Nang walang naipakita ang suspek na kaukulang mga dokumento hinggil sa ligaledad ng nasabing armas ay inaresto siya ng mga tauhan ni Col. Goforth.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (JUVY LUCERO)
