Muling pinatunayan ng San Miguel Beermen ang kanilang dominasyon matapos angkinin ang korona ng PBA Season 50 Philippine Cup nitong Linggo.
Ito ay matapos nilang padapain ang TNT Tropang Giga, 92-77, sa Game Six ng kanilang best-of-seven Finals series sa Mall of Asia Arena.
Dahil sa panalong ito, nakuha ng Beermen ang kanilang ikalawang sunod na Philippine Cup title at ang kanilang ika-31 kampeyonato sa kabuuan ng prangkisa—ang pinakamarami sa kasaysayan ng liga.
Hindi lang ang koponan ang gumawa ng kasaysayan, kundi pati na rin si Coach Leo Austria. Matapos masungkit ang kanyang ika-11 career title, opisyal na niyang tinabihan sina Coach Chot Reyes at Norman Black para sa joint third spot sa listahan ng mga coaches na may pinakamaraming kampeyonato sa PBA.
Nanatiling nasa unahan ng listahan si Tim Cone ng Barangay Ginebra na may record na 25 titles, habang pumapangalawa naman ang maalamat na si Baby Dalupan na may 15 titles.
Sa kabila ng makasaysayang tagumpay, nananatiling mapagpakumbaba si Austria. Sa kanyang post-game speech, ibinaling niya ang lahat ng papuri sa kanyang mga manlalaro na nagpakita ng bagsik sa loob ng court.
“Ang bida dito ‘yung mga players,” ani Austria. “Dahil sa kanila, nagmukha na naman akong magaling.”
Sa ilalim ng pamumuno ni Austria, napanalunan ng San Miguel ang walo sa huling 11 Philippine Cup conferences, na nagpapatunay na sila pa rin ang “Kings of the All-Filipino” conference. (Ron Tolentino)
