Muling pinatunayan ng San Miguel Beermen ang kanilang dominasyon sa Philippine Basketball Association (PBA) matapos nilang masungkit ang korona ng PBA 50th Season Philippine Cup nitong Linggo ng gabi, Pebrero 1, 2026.
Sa harap ng libu-libong fans sa Mall of Asia Arena, tinapos ng Beermen ang serye laban sa TNT Tropang 5G, 92-77, upang pormal na iuwi ang kanilang ika-31 kampeonato.
Pinangunahan ng pambato ng San Miguel na si June Mar Fajardo ang ratsada ng koponan sa kaniyang monster performance na 29 puntos at 23 rebounds.
Ang kaniyang double-double na laro ay naging susi upang selyuhan ang 4-2 panalo sa best-of-seven series, lalo na nang subukan ng TNT na humabol sa huling bahagi ng quarter matapos lumamang ang Beermen ng hanggang 21 puntos. Ang panalo ay nasaksihan din ng kaniyang mentor at basketbal legend na si Ramon Fernandez na nanood mula sa courtside.
Dahil sa tagumpay na ito, naidepensa ng San Miguel ang kanilang All-Filipino title, na siyang ikawalo nilang kampeonato sa nasabing kumperensya sa loob ng huling 11 season.
Halos walang naging hadlang sa kampanya ng koponan ngayong taon matapos silang manguna sa elimination round na may 9-2 win-loss record at sunod-sunod na talunin ang NLEX sa quarterfinals at ang Barangay Ginebra sa semifinals.
Nagpakitang-gilas ang lalim ng bench ng San Miguel sa buong kumperensya, kung saan nagawa nilang magtala ng 10 sunod-sunod na panalo mula eliminations hanggang playoffs.
Bagama’t nadapa sila sa unang laro ng finals series laban sa Tropang 5G, hindi ito naging hadlang upang makuha ang momentum at tuluyang manaig sa dulo. Sa huling buzzer, muling umugong ang pagdiriwang para sa tinaguriang pinakamatagumpay na prangkisa sa kasaysayan ng liga. (Ron Tolentino)
