KALAYAAN, PALAWAN – Idineklara ng lokal na pamahalaan ng Kalayaan si Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan bilang persona non grata sa loob ng kanilang hurisdiksyon.
Ito ay matapos ang serye ng umano’y pakikialam ng embahada sa internal na usapin ng bansa at pambabastos sa mga opisyal ng Pilipinas.
Sa isang resolusyong inaprubahan noong Martes, Enero 27, binigyang-diin ng Sangguniang Bayan ang “wolf warrior diplomacy” ng China na direktang tumatarget sa mga lingkod-bayan at uniformed personnel ng bansa.
Ayon kay Vice Mayor Maurice Phillip Alexis Albayda, may-akda ng resolusyon, nilabag ng embahada ang Article 41, Section 1 ng Vienna Convention on Diplomatic Relations, na nag-uutos sa mga dayuhang diplomat na huwag makialam sa internal na gawain ng bansa kung saan sila nakatalaga.
Tinukoy ng konseho ang demand ng Chinese Embassy na “panagutin” si PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela dahil sa transparency efforts nito sa West Philippine Sea (WPS).
Itinuring ito ng Kalayaan bilang isang anyo ng pananakot sa isang opisyal na gumagawa lamang ng kanyang tungkulin.
Gayundin, binatikos ang tanggapan ng Ambassador sa pagmaliit nito kay Senator Kiko Pangilinan at sa pagbalewala sa 2016 Arbitral Ruling at sa 200-nautical mile Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Ang Kalayaan ang nag-iisang munisipalidad ng Pilipinas na matatagpuan sa gitna ng WPS, kung saan ang Pag-asa Island ang nagsisilbing sentro ng soberenya ng bansa.
“Kailangan naming tumayo para sa mga naninindigan para sa amin, gaya ni Commodore Tarriela na nagsasabi ng katotohanan,” ani Albayda.
Inamin din niyang ang deklarasyon ay symbolic dahil wala itong kapangyarihan ng batas para paalisin ang ambassador, ngunit isa itong malakas na mensahe ng protesta.
Sumagot naman ang Chinese Embassy nitong Miyerkules at tinawag na “hindi kailangan” ang naturang hakbang. Ayon kay spokesperson Ji Lingpeng, kung nais daw ng mga opisyal na magdeklara ng persona non grata, dapat ay isama na rin siya at ang buong 12-member media team nito.
“As a team, we stay or leave, together,” ani Ji. Dagdag pa niya, tanging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. lamang ang may awtoridad na magpaalis sa isang ambassador sa bansa.
Matatandaang noong Agosto 2023, idineklara rin ng Kalayaan na persona non grata ang dating ambassador na si Huang Xilian matapos ang insidente ng pag-water cannon sa Ayungin Shoal.
