Ang alokasyon para sa Ilocos Norte 1st District ang nakakuha ng pinakamalaking slice sa budget.
Tahasang sinuportahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang desisyon ng kanyang panganay na anak na si House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos na hindi makialam sa pagdinig ng mga reklamong impeachment laban sa kanya.
Sa isang panayam nitong Miyerkules ng gabi kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, sinabi ng Pangulo na hindi pa nila napag-uusapan ng kanyang anak ang naturang usapin, ngunit naniniwala siyang ito ang tamang hakbang.
“Hindi niya sinasabi sa akin. Pero tama ‘yung ginagawa niya. That’s very proper dahil ako ang ama niya. Siyempre, mayroon siyang bias para sa akin,” punto ng Pangulo.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. na mahalagang lumayo ang kanyang anak sa proseso upang matiyak na ito ay magmumukhang patas at malinis sa mata ng publiko.
“Tama ‘yan, he should recuse himself. Dapat niyang tanggalin ang sarili niya sa proseso para makita na ang proseso ay fair at proper,” dagdag pa niya.
Una rito, nagpahayag na si Rep. Sandro Marcos na hindi siya lalahok sa mga deliberasyon ng impeachment laban sa kanyang ama. Ayon sa nakababatang Marcos, layunin nito na mapanatili ang integridad ng Mababang Kapulungan ng Kongreso at maiwasan ang anumang pagdududa sa pagpanig.
Sa kasalukuyan, mayroong dalawang reklamong impeachment na nakahain laban sa Pangulo, ang reklamo ni Atty. Andre de Jesus na inendorso ni Pusong Pinoy Party-list Rep. Jett Nisay at ang reklamo mula sa Makabayan Coalition na inendorso ng mga mambabatas sa ilalim ng Makabayan bloc.
