Tahasang inihayag ng kampo ng mga complainant na handang tumestigo ang dating mambabatas na si Zaldy Co sa isinusulong na impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang press conference nitong Biyernes, kinumpirma ni dating Rep. Mike Defensor na boluntaryo ang intensyon ni Co na maging saksi upang patatagin ang kaso laban sa Pangulo.
Si Co, na dating tagapangulo ng House Appropriations Committee, ay kasalukuyang nasa ibang bansa matapos magbitiw noong Setyembre. Matatandaang naglabas si Co ng mga video na nag-aakusa kina Pangulong Marcos at dating Speaker Martin Romualdez ng pagtanggap ng bilyun-bilyong pisong “kickback”—mga paratang na mariing itinanggi ng Palasyo.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, “at large” pa rin si Co at huling namataan sa Portugal, habang kinansela na rin ang pasaporte nito.
Nagbanta rin ang grupo nina Defensor na kakasuhan ang Office of the Secretary General (OSG) ng Kamara. Ito ay matapos tumanggi si Executive Director Jose Marmoi Salonga na tanggapin ang kanilang reklamo noong Huwebes sa dahilang wala sa bansa si Secretary General Cheloy Velicaria-Garafil.
Bukod sa isyu ng pambansang pondo, kabilang sa mga batayan ng kanilang reklamo ang pagpapakulong umano ng ICC kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na tinagurian nilang “kidnapping” at mga anomalya sa paggamit ng budget.
Bukod sa grupo nina Defensor, Jacinto Paras, at Chavit Singson, naghain din ng hiwalay na reklamo ang Makabayan Bloc kaugnay ng “BBM Parametric Formula” ng DPWH.
Noong Lunes naman, naunang naghain ng unang impeachment complaint si Atty. Andre de Jesus na inendorso ni Rep. Jernie Jett Nisay. (ART TORRES)
