November 24, 2024

Online seller huli sa hindi lisensiyadong baril

REHAS na bakal ang kinabagsakan ng isang 27-anyos na online seller matapos magpakilalang pulis at makuhanan ng hindi lisensyadong baril makaraang masita ng mga tunay na pulis sa checkpoint sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Jessie Tamayao, maliban sa paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act, mahaharap din si Persius Corrales ng 354 Everlasting St Brgy. NBBS Proper, Navotas City sa kasong paglabag sa Article 177 ng Revised Penal Code o Usurpation of Authority.

Sa imbestigasyon nina police investigators P/SSgt. Jose Romeo Germinal II at P/SSgt. Ernie Baroy, isa si Corrales na sakay sa kulay pulang NMax na motorsiklo sa mga riders ang pinara ng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 6 na nagsasagawa ng checkpoint sa kanto ng C-4 Road at Leoño St. Brgy. Tañong dakong alas- 9:20 ng gabi subalit, nagpakilala itong pulis na nakatalaga sa District Special Operation Unit (DSOU) of Northern Police District (NPD).

Nang hanapan ni P/Lt Ap Sugui si Corrales ng kanyang police identification card ay wala itong naipakita na naging dahilan upang arestuhin ito ng mga pulis.

Nang kapkapan, narekober ng mga pulis kay Corrales ang isang calibre .45 Armscor pistol na may magazine at kargado ng limang bala.

Ani Col. Tamayao, wala din naipakitang lisensya at permit to carry outside residence ang suspek.