Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) nitong Lunes, Enero 5, matapos obligahin ang mga mamamahayag na isuko ang kanilang mga mobile phone at laptop bago payagang makapasok sa seremonya ng paglalagda ng 2026 General Appropriations Act (GAA).
Ayon sa ulat ng Philstar.com, nagulat ang mga media workers na naatasang mag-cover sa Malacañang nang hingin ng mga opisyal ng Palasyo ang kanilang mga gamit nang walang malinaw na paliwanag.
Iginiit ng NUJP na bagama’t ipinatupad din ang nasabing polisiya sa lahat ng mga panauhin sa kaganapan, hindi ito dapat ituring na normal para sa mga mamamahayag. Binigyang-diin ng grupo na ang mga gadgets ay “indispensable tools” o mahahalagang kagamitan para sa media upang magampanan ang kanilang tungkulin nang mabilis at wasto.
“Ang pagbabawal sa mga gadgets ay nakahahadlang sa kanilang trabaho,” pahayag ng NUJP sa isang statement.
Tinawag din ng organisasyon na “ironic” o baligtad ang nasabing restriksyon lalo na’t ipinagmamalaki ng administrasyong Marcos na ang 2026 budget ang “pinaka-transparent” na panukalang pambadyet sa kasaysayan ng bansa.
Dagdag pa ng NUJP, hindi na kailangan ang ganitong kahigpit na hakbang dahil ang mga journalists na kabilang sa Malacañang Press Corps ay sumailalim na sa mahigpit na vetting process at pamilyar na sa mga protocol ng Palasyo.
Wala pang inilalabas na opisyal na tugon ang Presidential Communications Office (PCO) hinggil sa naging reklamo ng mga grupo ng mamamahayag.
