Nanawagan si Senator Erwin Tulfo sa Senate Blue Ribbon Committee na imbestigahan ang umano’y malawakang extortion scheme sa loob ng Bureau of Internal Revenue (BIR) gamit ang Letters of Authority (LOA).
Nitong Lunes, Nobyembre 24, naghain si Tulfo ng resolusyon para silipin ang umano’y panggigipit sa mga negosyo sa pamamagitan ng LOA, isang dokumentong nagbibigay kapangyarihan sa mga revenue officer na suriin ang libro at financial records ng isang taxpayer, at nagsisilbing simula ng anumang tax audit.
Ayon kay Tulfo, ilang personnel ng BIR ang gumagamit umano ng LOA upang pilitin ang maliliit na negosyo na magbayad ng “discounted” na halaga upang maiwasan ang mas mataas at pinalaking tax assessment.
Aniya, mismong mga negosyante ang nagkuwento ng modus.
“Kunwari ang tax ay nasa P25 million… Sasabihing reresibuhin kita ng P15 million, pero sa akin na ang five. So may discount na ako na P5 million.”
Sa kanyang resolusyon, binanggit ni Tulfo ang umano’y sistematikong pang-aabuso sa BIR gaya ng paulit-ulit na paglalabas ng LOA laban sa parehong taxpayer; pagamit ng pekeng o hindi awtorisadong LOA para mangikil; paggamit ng Mission Orders kapalit ng LOA upang maiwasan ang audit tracking; at pagdalaw taon-taon ng mga revenue officer kahit malinaw na compliant ang negosyo
Ang Mission Order ay hiwalay na dokumentong inilalabas ng BIR para sa surveillance at inventory ng operasyon ng isang Negosyo,hindi para sa full audit, gaya ng LOA.
Sinabi rin ni Tulfo na maaari nilang ipatawag si dating BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., dahil umano’y lumala ang extortion scheme sa ilalim ng kanyang pamumuno.
“My source said it was the marching order in order to meet their collection target this year,” ani Tulfo.
Ang imbestigasyon, ayon sa senador, ay hindi lamang upang tukuyin ang mga sangkot kundi upang suriin ang kasalukuyang audit at LOA protocols ng BIR, tuklasin kung gaano kalawak ang extortion scheme at magrekomenda ng reporma sa tax audit system
Dagdag pa niya, ang paulit-ulit na pag-target sa parehong negosyo ay nagiging daan para sa pang-aabuso.
“Pag dinaanan ka na ng LOA, every year dadalawin ka na ng BIR. Kahit nagbayad ka ng tamang buwis, babalikan ka rin.”
Humingi na ng pahayag ang Agila ng Bayan mula sa BIR sa pamamagitan ng opisina ni Commissioner Charlie Mendoza. Ayon sa ulat, inaantabayanan pa ang opisyal na tugon ng ahensya.
