Galit at pagkadismaya ang nararamdaman ngayon ng taumbayan matapos ilabas ng administrasyon ang paunang listahan ng 16 kataong ipiniit kaugnay sa umano’y Flood Control Corruption Scandal.
Anila puro “small fries” lang ang mga ito, at hindi ang tunay na utak ng maanomalyang proyekto.
Dagdag pa nila, hindi sila kumbinsido sa mga mugshot na lumalabas ngayon sa social media dahil karamihan sa mga suspek ay mga utility, driver o karpintero lang ng contractor at congressman.
Malinaw anila na ginagawa lang daw para may ipakitang may nahuhuli.
“Small catch or no catch? Kapag ‘di nahuli ang master, kukuha ulit ‘yan ng uutusan. Anong silbi ng small catch?” tanong ngi isang netizens.
Sa hanay ng mga komento, marami ang tuwirang nagbanggit ng mga kilalang pangalan na wala sa listahan.
“Where is MR?” tanong naman ng isang netizen, tumutukoy sa presidential cousin at dating House Speaker Martin Romualdez.
Hinanap din ng ilan ang pangalan nina Zaldy Co, First Lady Liza Marcos, Senate President Tito Sotto, Sen. Ping Lacson (Blue Ribbon chair), Sen. Bong Go, at ilang kongresista, batay sa listahan na kumalat kamakailan sa social media hinggil sa umano’y malalaking personalidad na konektado sa flood control scandal.
Isa pang komento: “These aren’t the main characters. Supporting cast lang. Ang nasa itaas ang pruweba na kapag wala kang mataas na posisyon, ikaw agad ang unang pinaparusahan.”
Nagpakita rin ng pagkadismaya ang ilang netizens matapos mapasama sa listahan si dating DPWH MIMAROPA Regional Director Engr. Gerald Pacanan, na anila’y kilala sa pagiging tapat at hindi nasangkot sa anumang ghost projects o substandard na infrastructure.
“Bakit siya kasama? Samantalang ‘yung mga totoong sangkot, wala?” tanong ng ilang commenters.
Umabot sa 9,100 comments at 2,000 shares ang post ng Presidential Communications Office (PCO), indikasyong matinding pagkayamot ng publiko.
“Ang mga butiki lang ang nahuli. Nasaan ang mga buwaya?” wika ng isang netizen.
“Patunay lang na may double standard sa hustisya. Ang maliliit agad kinakasuhan, ang malalaking kurakot, protektado,” dagdag pa ng isa.
Marami rin ang nanawagan na kung talagang seryoso ang kampanya laban sa korapsyon, mugshots ng mga pulitikong sangkot ang dapat na ilabas.
Sa harap ng matinding backlash, nananatiling malaking tanong kung paano tutugunan nina DPWH Secretary Vince Dizon, Independent Commission on Infrastructure (ICI), Department of Justice, at Ombudsman ang lumalalang galit at kawalan ng tiwala ng publiko.
Habang tumitindi ang presyur, tiniyak ng mga netizens na hindi sila titigil hangga’t ang “tunay na utak” ng flood control scandal ay managot.
