NAGHAHANDA na ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas sa pamamagitan ng Pre-Disaster Risk Assessment sa posibleng pananalasa ng paparating na Bagyo na tatawaging #UwanPH.
Batay sa ulat, inaasahang tuluyan itong papasok ng PAR sa Sabado ng madaling araw at Linggo ng gabi ay maaari na umanong maramdaman ang bagyo na posibleng maging isang Super Typhoon.
Ayon kay Mayor John Rey Tiangco, ginagawa ng pamahalaang lungsod, mga barangay, at iba pang ahensya ng pamahalaan ang karampatang paghahanda para sa inaasahang epekto nito.
Aniya, umaga ng November 9, ay magpapatupad sila ng pre-emptive evacuation kaya importanteng kahandaan ng bawat pamilyang Navoteño para manatiling ligtas ang bawat isa.
Posible rin aniya ang storm surge kaya hindi na papayagan ang mga mangingisda na lumaot habang inaasahan namang aabot sa dalawang metro ang high tide sa madaling araw ng November 9 hanggang 11.
Sinabi pa ng alkalde na operational naman ang kanilang navigational gate at ang lahat ng mga bombastik ng lungsod pero posible pa rin aniya na mag-overflow kung tuloy-tuloy ang malakas na ulan na sasabayan pa ng tide level.
Nakahanda na rin aniya ang kanila mga evacuation center, rescue team/vehicles, emergency medicines at iba pang mga kailangan sa pagtugon sa sakuna habang posible ang class suspension sa November 9 at 10.
Paalala niya sa mga Navoteño, i-secure ang mahahalagang dokumento, gamit at iba pang pangangailangan, kung kailangan lumikas, siguraduhin na mailikas din ang mga alaga, i-charge ang mga gadget, ihanda ang flashlight, at i-save ang hotline number: 8281-1111, text JRT number: 0917 521 8578, 0908 886 8578 at 0922 888 8578. (Juvy Lucero)
