November 23, 2024

Ang pahirap na COVID-19, pagkuha ng ayuda at ang ‘kupit’ sa PhilHealth

Mga ka-Agila, magandang araw sa inyong lahat.

Maraming kababayan natin ang hindi lang naghihirap kundi naghihikahos na sa buhay ngayong panahon ng pandemya.

Katunayan,  namamalimos na nga sa lansangan ang mga tsuper ng jeep na wala ng maipakain sa pamilya.

Milyun-milyong manggagawa na ang nasibak o nawalan ng hanapbuhay kaya mas pinili na lang umuwi sa kanilang probinsya para makabangon.

Alam nyo ba na mayorya ng mga Pinoy ay naniniwalang mas nagdarahop pa sila ngayon dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.          

Sa latest Social Weather Station survey mula July 3 to July 6, 79 porsyento ng mga Pinoy ay nagsasabing lumala ang kahirapan ng kanilang buhay, habang  8 porsyento naman ang nagsabing gumanda ang kanilang pamumuhay.

Habang 12 porsyento naman ang nagsabing nananatili o hindi nagbago ang kanilang quality of life.

Itoy sumasalamin sa tunay na kundisyon ngayon sa bansa na mas malala kumpara sa survey noong 2019 bago pa tumama ang pandemya sa bansa.

Bagamat ang resulta ng survey ay nakababahala o  “cause of concern” tiniyak ng Palasyo ng Malakanyang sa publiko na ginagawa ng gubyerno ang lahat ng paraan upang maibsan ang epekto ng covid sa ating ekonomiya at sa unti-unting pagbangon ng mga Pinoy.

***

Nakikita natin ang pagtitiyaga ng mga kababayan natin na pumipila kahit abutin ng gutom,  umulan at umaraw sa MLhuiller pawnshop para makubra ang tig-P5,000 hanggang P8,000 na ayuda o second wave ng Social Amelioration Program(SAP) ng Duterte administration.

Maraming mga benepisyaryo ang pumipila sa branches ng MLhuiller sa Metro Manila simula pa hatinggabi para umabot sa quota na 100 katao kada araw. Nagsisiksikan ang mga tao sa iisang remittance company at nawawala na ang social distancing.

Bakit ba pinahihirapan pa ang mga tao na makuha ang 2nd wave ng SAP gayung pwede namang i-distribute ang pondo sa iba pang remittance company o mga bangko?

Dahil ba may malaking kumisyon sa bilyun-bilyong pisong pondo ng SAP ang DSWD?

***

Ngayong araw,  ikatlong pagdinig na ng Senado sa Ultra-web of corruption sa Philhealth na ibinunyag ni resigned anti-fraud division director Atty.  Thorrsson Keith na sangkot ang executive committee sa pangunguna umano ni retired Gen.  Rodrigo Morales.

Sinabi po ni Atty.  Keith na tinatayang nasa P15-B ang naubos sa korapsyon sa Interim Reimbursement Mechanism (IRM) na kung saan advance ang pagbabayad ng Philhealth sa mga hospital na may COVID-19 patients.

Ang mga ospital sa Visayas na wala kahit isang coronavirus patient ay tumanggap ng pondo mula sa Philhealth.

Kahit hindi hospital, nakatatanggap ng milyun-milyong pisong IRM ang ilang pinaborang dialysis centers at maternity clinics na mas mabilis pa sa kidlat ang pag-release ng pondo,  habang ang malalaking hospital ay daan-daang milyon ang utang ng Philhealth.

Sa pag-iimbestiga ng PACC,  sinabi ni Comm. Greco Belgica na simula 2013 hanggang 2018, tumiba ng P153.7-B ang mga nanungkulan sa Philhealth sa loob ng limang taon na dapat sana ay naibayad sa mga hospital na pinagkakautangan ng korporasyon.

Bukod kay Morales, nadiskubre ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC)  na halos

Nagkukuntsabahan umanoi ang 34 executive officials para pagnakawan ang pondo ng mga miyembro ng PhilHealth.

Kasabwat din umano sa raket sa Philhealth ang ilang hospitals at ilang corrupt employees ng state corporation.

Hindi pa nakuntento ang mga buwitre sa Philhealth, nagkaroon pa ng overpricing sa proposed Information and Communications Technology (ICT) projects of PHILHEATH na hindi pa nauumpisahan dahil daw sa failed bidding process.

Tinukoy ni Atty.  Keith ang mga ‘tongpats’ o ‘kickbacks’ sa ilang component ng proyekto,  gaya ng software and IT equipment and support maintenance: Adobe Master collection software na halagang P21 million  pero ng approved na presyo ng DICT ay P168,000 lamang; Application servers and licenses worth P40 million pero ang totoong presyo ay P25 million; Structured cabling worth P5 million pero ang totoong presyo ay P500,000 lang o mas mataas ng 10,000 percent; Indentity Management software worth P42 million pero ang approved price ng DICT ay P20 million lang; Office Productivity Software na halagang P21 million pero ang approved price ng DICT ay  P5 million lang; Application Server, Vizualisation licenses, support maintainance worth P25 million pero ang presyo ng DICT ay P14.8 million lamang.

Kabilang din sa proyekto ang pagbili ng Fraud Analytic Tool halagng 132 million; Laptops halagang P119 million, 2 unspecified projects halagang P98 million; 43 units of ICT resources halagang P40.7 million; Portable wifi hotspot for a satellite phones halagang P840,000 and Queuing machine halagang P302,000.

Isiniwalat naman ni Senate Majority Leader Migz Zubiri ang limang schemes kung paano pagnakawan at palusutin ng ilang Philhealth officials ang pondo ng bayan.

Ito ay ang rebate schemes para sa  interim reimbursement mechanism, non-existent patients; ghost patients; overpricing and padding ng IT projects, at inuupuan ang legal and administrative cases ng mga fraudulent hospital.

Tila may pinapaboran umanonang Philhealth sa IRM  dahil masyadong ‘incredible payouts and incredible speed’ sa loob ng 10 araw lang nakakubra ang isang dialysis center ng P126 million habang ang isang maternity care clinic ay may nakuhang P4.7 million.

Pero kung sa malalaking hospital, usad pagong ang pagkiclaim ng bayad sa utang ng Philhealth, gaya ng  isang hospital sa Iloilo na halagang P121-million; Ospital ng Maynila na halagang P19.3-million at Corazon Locsin Montelibano memorial regional hospital sa Bacolod city, Negros Occidental na halagang P41 million.

Itinalaga ni Pang.  Duterte si Morales sa Philhealth bilang President at CEO pero mukhang kinain na rin sya bulok na sistema sa korporasyon.

Ang tanong ng bayan,  bakit hindi pa sibakin ni Pang.  Duterte etong si Morales sa gitna ng malinaw na mga ebidensya at ilang testigo ang nagdidiin sa kanya?

Bukod kay Morales,  sambit naman ni Sen. Imee Marcos na mas malaki ang papel na hawak ni Health Secretary Francisco Duque sa Philhealth dahil sya ang tinatawag na “godfather” o ninong ng mga nakaupong opisyal ng state health insurer.

Simula pa ng panahon ni dating Pang. Gloria Macapagal-Arroyo,  si Duque ay nagsilbi na rin bilang Health Secretary at Chairman of the Board ng Philhealth.

Giit ni Marcos,  si Duque ang bossing sa Philhealth dahil sya ang nagmamando sa disbursement at management ng health insurance funds ng mga Pinoy.

Nagtatanong ang mga Agila sa Mt.  Apo,  Bakit nga ba sobrang lakas ni Sec. Duque kina GMA at Pres.  Duterte?  Kahit maraming humihingi ng resignation ng kalihim, bakit kapit tuko pa rin sya sa pwesto?

Abangan natin ang mga sasabihin ni Sec.  Duque sa hearing ng Senado ngayon Martes.

Para sa inyong reaksyon at suhestyon,  mag email sa [email protected].